Si Malakas at Mahina

Bunga ng kalungkutan ay naisip ng Panginoong Diyos na gawin si Malakas at si Maganda mula sa dalawang puno ng kawayan na ibinuka ng ibong sarimanok. Ayon sa alamat na ito na iniakda ni Remedios Ramos at nailimbag noong 1980, kay Malakas at Maganda raw nagmula ang lahing kayumanggi o ang lahing Pilipino.

Mula noon ay naging aklat ng kwento ang alamat na ito at itinuturo sa mga bata sa ibat-ibang paaralan sa buong bansa. At dahil ito ay alamat ng paglikha (creation), madali ang kanyang koneksyon para matugunan ang katanungan kung saan nga ba nanggaling ang lahing Pilipino, bakit tayo kayumanggi.

Ngunit alam nyo ba na maging sa politikal na propaganda ay nagamit ang alamat ni Malakas at Maganda? Ito ay nang ikomisyon ni Ferdinand Marcos ang pintor na si Evan Cosayo para ipinta ang larawan ni Malakas at Maganda sa anyo niya at ni Imelda. Ayon sa ilang manunulat, sinadya itong gawin ng mga Marcos para sa propaganda ng kanilang “Bagong Lipunan” noong panahon ng Martial Law. Ang Malakas (diktador) na si Ferdinand at ang Magandang si Imelda ang sa antas ng mitolohiyang Pilipino ang kumakatawan sa imahe ng bagong lipunan ni Marcos at ng lahing Pilipino.

May silbi sa pulitika ang propagandang “malakas”. Ang imaheng ito ang gamit ng mga naging diktador sa maraming bansa. Ito rin ang imaheng hinangaan ng mga Pinoy kay Rodrigo Duterte. Ang sikolohiya ng “walang tatalo dyan” o “walang kayang bumangga dyan” ay likha ng propaganda, katulad ng imahe ni Hitler noong WWII. Naisip pa nga ni Hitler, kahit ramdam na niya ang pagkatalo, na gumawa ng pelikula na nagpapakitang nagtatagumpay siya sa gyera habang kinukunan siyang nagmamartsa sa kalsada kung saan pinatakpan niya ng mga props ang guho ng mga wasak na gusali ng Berlin. Para lang ipakitang malakas pa rin siya at ang kanyang diktadura.

May mga taong gusto pa rin ang sistemang diktadura, pero sori na lang at hindi na uso ngayon ang sistema na isang tao lamang ang nagpapasya sa kinabukasan ng bansa. Ganunpaman, kahit laos na ang diktadurang pulitika ay mayroon pa ring konsepto sa isipan ang mga tao na nagpipinta kay Malakas. Sa pulitika, si Malakas ay ang mapera. Kahit palpak ang pamumuno, malakas pa rin siya dahil mapera. Mabibilang sa daliri ang kandidato na may katangian na malakas dahil matino at mahusay.

Ganito ang sikolohiyang ramdam natin dito sa ating lalawigan. Na ang lakas ng isang kandidato ay sinusukat sa dami ng pera. Na para bang ang lohikal na tatalo lamang sa kandidatong mapera ay isa ring kandidato na mas mapera sa kanya. Kahit ito ay nasa lebel lamang ng impresyon.

Ang problema, ang kwentong ito ay hindi na alamat katulad ni Malakas at Maganda na nakasulat na rin ang ending. Ito ay totoong kwento sa buhay pulitika ng lalawigan na paulit-ulit lang nababanggit. Kwentuhan ito sa mga inuman, huntahan, at iba pa. Mga usapang tukoy agad kung sino si Malakas at sino si Mahina.

Malamang, nakalimutan na rin siguro ng marami na bukod sa alamat ni Malakas at Maganda ay may kwento rin sa Bibliya tungkol sa pagkatalo ni malakas at higanteng Goliath mula sa tirador ng maliit at mahinang si David.

About the author

Wilson Fortaleza

Add Comment

Click here to post a comment