ODIONGAN, Romblon – Nahaharap sa kasong Frustrated Homicide ang isang matadero matapos nitong pasukin at pagsasaksakin sa loob ng kuwarto ang kanyang bayaw dakong 8:00 ng gabi ng Hulyo 22, 2026 sa Sitio Tabingdagat, Barangay Panique, Odiongan, Romblon.
Kinilala ang biktima na isang 27 taong gulang, may kinakasama, construction worker, habang ang suspek ay 33 taong gulang, may kinakasama, matadero sa palengke ng Odiongan, Romblon at kapwa nakatira sa iisang bahay sa nasabing barangay.
Base sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), ang suspek at ang kinakasama nito ay nagtatalo umano sa loob ng kanilang kuwarto. Sinaway naman ito ng babaeng biyenan ng suspek at sinabihan silang tumigil na sa kanilang argumento at magpahinga.
Binato umano ng suspek ng unan ang electric fan, at dahilan para pagsabihan ito ng biyenan na sinisira nito ang mga kagamitan sa bahay.
Tinanong ng suspek ang kanyang biyenan kung bakit hindi rin daw nito pinagsasabihan ang biktima tuwing sumasagot ito sa kanya.
Lumabas umano ang suspek at kumuha ng kutsilyo.
Narinig naman ng biktima ang sagutan ng suspek at biyenan nito, at nagsabi ito kung bakit siya napasali sa kanilang usapan.
Nagkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng suspek at biktima hanggang sa humantong ito sa mainit na pagtatalo.
Pinasok ng suspek ang kuwarto ng biktima at pinagsasaksak ito ng ilang uli. Nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Inawat naman ang suspek ng kanyang kinakasama at ng kanyang biyenan, habang ang biktima ay isinugod sa Romblon Provincial Hospital ng nagrespondeng mga tauhan ng MDRRMO Odiongan.
Samantala, ang suspek ay inaresto ng mga nagrespondeng tauhan ng Odiongan MPS at dinala sa kanilang himpilan.
Ang kutsilyo na ginamit umano sa pananaksak ay narekober ilang metro ang layo sa pinangyarihan ng krimen ay kasamang kinustodiya ng Odiongan MPS.
Kasong Frustrated Homicide ang inihahandang isampa ng Odiongan MPS sa Piskalya laban sa suspek sa pamamagitan ng inquest proceedings. (RSun Staff)






Add Comment