ODIONGAN, Romblon – Nahaharap sa paglabag sa RA 9165 ang isang 36 anyos na lalaki matapos itong mabilhan ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng kapulisan dakong 10:00 ng gabi sa National Highway, Barangay Gabawan, Odiongan, Romblon.
Ang suspek ay kinilala na si @ Ron, 36 taong gulang, may kinakasama, at residente ng Barangay Tumingad, Odiongan,Romblon.
Ayon sa Odiongan Municipal Police Station (OMPS), nagsagawa ng buy-bust operation ang pinagsanib na tauhan ng Odiongan MPS-MDEU (lead unit), katuwang ang PDEA Romblon, Romblon PMFC at Romblon MARPSTA-Odiongan MLET sa koordinasyon ng PDEA MIMAROPA na nagresulta sa pagkahuli sa suspek.
Sa nasabing operation, Isang miyembro ng pulis na nag-aktong poseur buyer ang nakabili umano sa suspek ng isang pirasong sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang ilegal na droga kapalit ang halagang isang libong piso (P1,000.00).
Sa pagsiyasat sa suspek, nakuha rin sa kanya ang dalawa (2) pang pirasong sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang “shabu”, dalawang five hundred peso bill (P500.00) na ginamit sa buy-bust operation, isang kaha ng sigarilyo na ginamit na paglagyan ng ilegal na droga, at isang unit ng motorsiklong Yamaha na may kasamang susi ng motorsiklo.
Tinatayang may bigat na 1.5 gram na timbang ang nakuhang ilegal na droga sa suspek na tinatayang nagkahahalaga ng humigit kumulang sa P10,200.00.
Ang pag-imbentaryo, pagkuha ng mga ebidensya at pagmarka ay isinagawa sa naturang lugar, sa harap ng suspek at sinaksihan ng isang opisyal ng Barangay Gabawan, Odiongan, Romblon at representante mula sa media.
Ang suspek at ang nakuhang ilegal na droga at mga ebidensya ay dinala sa Romblon Provincial Crime Laboratory Office para sa isagawang pagsusuri.
Isinailalim sa kustodiya ng Odiongan MPS ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 & 11, Article II of RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na inihahandang isampa ng Odiongan MPS sa piskalya laban sa suspek. (RSun Staff)






Add Comment