ROMBLON, Romblon — Naglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan 4th Division laban sa siyam na kasalukuyan at dating opisyal ng bayan ng Romblon, Romblon, kabilang ang nakaupong Bise Alkalde na si Mariano Mateo, kasunod ng pinal na hatol ng Korte Suprema sa kasong graft and corruption.
Bukod kay Bise Mayor Mateo, ang mga wanted sa batas ay ang mga dating konsehal na sina: • Chris Mazo • Melben Mesana • Francisco Mayor Jr. • Bryant Riano • Rafael Riano • Gerry Mijares • Ramon Magallon • Edler Robis
Gayunpaman, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin naise-serve ng Philippine National Police (PNP) – Romblon ang warrant, habang napag-alamang tuluyan nang nakalabas ng probinsya ang mga akusado.
Ipinag-utos ng anti-graft court ang pag-aresto noong Setyembre 1, 2026, matapos ilabas ng Korte Suprema noong Hunyo 9, 2026 ang final ruling at entry of judgment para sa mga pinagsamang kaso na G.R. Nos. 238562 at 238609. Dahil pinal na ang desisyon ng mataas na hukuman, wala nang legal na balakid upang hindi ipatupad ang sentensya laban sa mga nagkasala.
Ayon sa nakuhang impormasyon, hindi pa naipapatupad ng PNP-Romblon ang naturang warrant. Iniulat na noong kalagitnaan pa ng Setyembre ng taong ito ay umalis na at nakalabas mula sa bayan ng Romblon ang siyam na kumbiktadong opisyal.
Dahil dito, hindi na malaman ngayon ng mga awtoridad kung nasaan ang kinaroroonan ng mga akusado.
Bunsod ng pagtatago sa batas, apat na sunod-sunod na sesyon na ang liban si Bise Alkalde Mateo sa Sangguniang Bayan mula pa noong Setyembre 9.
Sa kabila nito, hindi pa rin ipinapatupad ang rules of succession sa pamahalaan. Sa ilalim ng batas, ang No. 1 Councilor ng bayan na si Mart Arthur Silverio ang dapat na awtomatikong umupo bilang Bise Alkalde upang pamunuan ang konseho, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa ito naisasagawa.






Add Comment