Drayber natagpuan na walang buhay sa loob ng kanyang kuwarto sa Odiongan, Romblon

ODIONGAN, Romblon – Isa nang malamig na bangkay nang madiskubre ng kanyang pamangkin ang lalaking drayber sa loob ng  kuwarto ng kanyang bahay sa Sitio Luntian, Barangay Pato-o, Odiongan, Romblon, dakong 9:45 ng gabi ng Hulyo 13.

Kinilala ang lalaki na isang 49 taong gulang, may asawa, truck driver at residente ng nasabing barangay.

Base sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), nag-aalala umano ang pamangkin ng biktima kung bakit hindi pa lumalabas ng bahay ang kanyang tiyuhin samantalang gumagabi na.

Dahil sa kanyang pag-alala, pinuntahan nito ang bahay ng biktima kung saan ay kanyang nadatnan ang kanyang tiyuhin na nakadapa sa sahig sa loob ng kanyang kuwarto at parang hindi na humihinga.

Agad itong humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay na kanila ring ipinagbigay alam sa Odiongan MPS.

Nakipag-ugnayan rin ang kapulisan sa Scene of the Crime Operative (SOCO) upang magsagawa ng pagsusuri sa bangkay ng biktima.

Pagkatapos na maproseso ang labi ng lalaki ay dinala ito at pansamantalang kinustodiya ng punenarya.

Samantala nakipagkoordinasyon rin ang imbestigador sa kaso sa tauhan ng ospital at Rural Health Unit ng Odiongan kaugnay sa insidente kung saan ay kanilang nirekomenda na isailalim sa awtopsiya ang bangkay upang malaman ang sanhi ng pagkamatay nito. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment