ODIONGAN, Romblon – Sugatan sa paa na dinala sa ospital ang isang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agents matapos itong tamaan ng bala ng aksidenteng pumutok ang baril ng kasamahang PDEA agent dakong 3:45 ng hapon ng Hulyo 13, 2026 sa Purok Looban, Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.
Base sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), magkasama umanong dumating ang dalawang PDEA agents sa kanilang tinutuluyang bahay. Noong kinuha umano ng PDEA agent ang baril na naka-isyu sa kanya upang ilagay ito sa isang ligtas na lugar nang aksidente itong pumutok na tumama sa kisame.
Sinubukan naman umano ng kasamahang PDEA agents na kunin ang nasabing baril sa kasama, ngunit muli umano itong aksidenteng pumutok at tinamaan sa kaliwang paa ang nasabing law enforcer.
Agad na dinala ng kanilang kasamahan ang nasugatan na PDEA agent sa Romblon Provincial Hospital para malapatan ng atensyong medikal.
Samantala, nakipag-ugnayan ang Odiongan MPS sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para iproseso ang lugar na pinangyarihan ng insidente.
Narekober ng kinaukulan sa naturang lugar ang isang caliber 45 Jericho 941 FS pistol, isang magazine ng may sampung live rounds na mga bala, dalawang basyo ng bala at dalawang “fired slug” o tingga.
Ang PDEA agent na sangkot ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Odiongan MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Kasong Reckless Imprudence Resulting to Physical injury ang inihahanda na isampa laban sa nasabing law enforcer. (RSun Staff)






Add Comment