Binatang nakahiga sa duyan at naglalaro ng Mobile Legends, binaril

SANTA FE, Romblon – Sugatan na dinala sa pagamutan ang isang 30 gulang na lalaki matapos itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman na sakay ng motorsiklo bandang 11:10 ng gabi, Hulyo 22, 2026 sa Sitio Guinda, Barangay Pandan, Santa Fe, Romblon.

Base sa ulat ng Santa Fe Municipal Police Station, nakahiga umano sa duyan ang biktima habang naglalaro ng Mobile Legends sa kanyang cellphone nang huminto sa tapat ng kanilang bahay sa nasabing barangay  ang isang kulay asul na motorsiklong XRM 125 sakay ang dalawang hindi nakikilalang lalaki.

Isa sa dalawang lalaki ang tatlong ulit na pinaputukan ng baril ang biktima gamit ang hindi pa tukoy na kalibre ng baril sa hindi malamang dahilan.

Pagkatapos ng pamamaril ay tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo papunta sa direksyon ng Sitio Centro, Barangay Pandan, Santa Fe, Romblon.

Nagtamo ng mga tama ng baril ang biktima na agad isinugod sa Rural Health Unit ng Santa Fe para sa paunang lunas at dinala sa Romblon Provincial Hospital sakay ng ambulansiya ng Santa Fe LGU.

Agad nagsagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Santa Fe MPS sa lugar ng pinangyarihan ng krimen.

At ikinasa ang hot-pursuit operation para matukoy, makilala at maaresto ang suspek. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment