Kapag may usok may kurakot

Isinulat ko ang komentaryong ito para sa Partido Manggagawa (PM) sa gitna ng nagaganap na imbestigasyon ng Senado sa mga anomalyang bumabalot sa pondo ng Department of Health na ni-redflag ng Commission on Audit (COA). Nais ko namang ibahagi ito sa inyo.

Walang tinukoy ang COA na kurakot sa kanyang inilabas na audit report para sa taong 2020. Ngunit sa lumabas na mga usok sa hinimay-himay nitong report sa bawat ahensya na kanyang sinuri, sapat nang husgahan na may opisyal na mandurukot sa likod ng mga anomalyang nababanggit.

Pinakamabaho sa anomalyang ito ang paksa sa nagaganap na imbestigasyon ngayon sa Senado tungkol sa pagbili ng gubyerno ng “overpriced” na medical supplies mula sa kwestyunableng mga kompanya na konektado sa kwestyunableng mga tao.

At ang pinagmumulan ng malaking usok: Ang mga taong konektado sa pinakamataas na kapangyarihan ng bansa – ang tinag-uriang Davao Group – na pinamumunuan ni Duterte.

Ang mga karakter sa likod ng Pharmally anomaly ay walang iba kundi si Christopher Lao, dating pinuno ng kontrobersyal na DBM-PS o ang Procurement Services ng Department of Budget and Management. Ang ahensyang ito sa loob ng DBM ang pinaglagakan ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque ng P42 bilyon na pondo para sa pagbili ng medical supplies katulad ng PPE, face mask, face shield, atbp.

Pero ilinaw muna natin. Ang pagpapatawag ng imbestigasyon ng Senado ay naitulak dahil sa protesta ng ating mga health care workers (HCWs) at sa banta nila na mass resignation dahil sa hindi natatanggap na mga benepisyo katulad ng Special Risk Allowance (SRA) at iba pa. Gayong sa report ng COA, bilyones sa P67 bilyon na pondo ng DOH ang hindi nagamit o maanomalya ang pagkakagamit. Hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang mga protestang ito dahil hindi pa rin natatanggap ng karamihan ang kanilang SRA.

Sa naunang mga pagdinig, natuklasang nakipag-kontrata si Lao sa ibat-ibang kompanya, pinakamalaki dito ang Pharmally na nakakuha ng P8.7 bilyon na kontrata sa kabila ng pagiging bago at pipitsuging kompanya nito. May kapital lamang ito na P625,000, at nang hanapin kung nasaan ang kompanyang ito, wala ito sa idindeklarang opisina sa Makati. Walang empleyado. Walang anino ng kanyang mga opisyal.

Sa paghalungkat pa ng mga senador ay nakita sa lumang video ng Palasyo na ang mga opisyal pala ng Pharmally ay nakipagpulong sa Pangulong Duterte sa Davao noong 2017 kasama si Bong Go at Michael Yang. Si Yang ang kontrobersyal na adviser ni Duterte na isinangkot ni dating PNP Drug Enforcement Group Deputy Administrator Eduardo Acierto sa iligal na droga.

Balikan natin ang mga karakter na ito at ungkatin ang iba pang misteryosong karakter na nasasangkot dito sa Pharmally anomaly.

Natuklasan din ni Senadora Risa Hontiveros na ang may-ari ng Pharmally International na sina Tony Huang at anak nitong si Huang Tzu Yen ay mga pugante pala ng Taiwan dahil sa mga kasong financial fraud o pandaraya. Isa pang incorporator ng Pharmally ay si Zheng Bingqiang na parehong wanted sa Taiwan. Siya ang chairman ang Full Win Group kung saan si Michael Yang, ayon kay Hontiveros, ang chairman dito sa Pilipinas.

Balikan natin si Christopher Lao. Siya ngayon ang main witness ng Blue Ribbon Committee dahil sa kanyang papel bilang dating direktor ng DBM-PS at nakapirma sa mga kwestyunableng kontrata sa Pharmally at iba pang kompanya. Tikom ang bibig ni Lao kung sino ang nag-utos sa kanya na pasukin ang maanomalyang kontrata. Wala daw siyang kilala sa Pharmally dahil hindi niya siniyasat ng malaliman ang pagkatao ng kompanyang ito. Pumasok lang daw ang mga ito sa kanyang opisina. Nang tanungin kung paano niya nakuha ang posisyon sa DBM-PS at iba pang masasabaw na posisyon sa gubyerno ay nag-aaplay lang daw siya dito at agad na namang na-aapoint ng Pangulo.

Ngunit kapag tiningnan ang kanyang record, alam ng marami na si Lao ay hindi ordinaryong manggagawa na naghanap at nag-aplay lamang ng trabaho sa gubyerno. Siya ay tropang Davao at matatawag na bahagi ng Davao Group.

Bukod sa pagiging brod sa Lex Talliones fraternity ay election Lawyer siya ni Duterte noong 2016. Nang mapunta sa Malacanang ay agad naging Undersecretary ni Bong Go sa Presidential Management Staff (PMS) kung saan nasangkot ito sa frigate scam. Mula PMS ay itinalaga ito ni Duterte bilang Chief Executive Officer ng Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) kung saan ito nakasuhan ng “ekstorsyon” sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC). Mula HLURB ay itinalaga siya ni Duterte bilang Undersecretary ng DBM at bilang direktor ng DBM-PS. Ayon pa kay Gordon, bukod sa naturang posisyon ay may aplikasyon din si Lao sa Office of the Ombudsman.

Si Lao, sa madaling salita, ang may dala ng usok sa anomalyang ito. Dahil sa kanya nakarugtong ang mga koneksyon sa kapangyarihan na posibleng nagtulak para mapunta sa Pharmally at iba pang kwestyunableng kompanya ang kontrata. Kapag pinag-ugnay ugnay, ayon kay Gordon, tumutukoy lang ito sa iisang grupo na iisa ang pinanggalingan – sa Davao. Ibig sabihin, hindi sila “naano lang’ o aksidenteng napunta lang sa mga posisyon na ito o nagkataong natalaga lang sa tungkulin ng pagbili ng kailangang medical supplies ng bansa.

Hindi sila tsambang sanga lamang ng burukrasya kundi magkakaugnay na nilalang na konektado sa pinakamataas na kapangyarihan. Ang tawag dito ni Drilon ay “pre-meditated plunder”. At sa ibinunyag ni Senadora Risa na warrant of arrest ng Taiwan sa mga kasong kinakaharap mga opisyal ng Pharmally, tamang tawagin na ang kakontrata ng gubyerno dito ay mga sindikato at ang transaksyon ay maihahalintulad sa usapang sindikato.

Tandaan natin na ang korapsyon ay ang paggamit o pag-abuso ng kapangyarihan o posisyon sa gubyerno para sa pansariling pakinabang o pakinabang ng isang grupo. Ang paggamit ng kapangyarihan para sa korapsyon ay maaring gawin sa maraming paraan katulad ng madayang kontrata o pagtanggap ng suhol.

Noong panahon ni Gloria, ang tawag dito ni whistle-blower Jun Lozada ay “tongpats”. Si Erap noong panahon niya ay tinawag na “Ninong” sa isang madayang kontrata. Ang P10B PDAF scam ni Napoles, Enrile, Estrada, Revilla, atbp. ay “plunder” dahil ayon sa batas, ang korapsyon na lagpas P50 milyon ay hindi na lang big time na kurakot kundi isa nang pandarambong.

Ang anomalyang kinasasangkutan ngayon ni Lao, Duque, at ng iba pa sa tinatawag na Davao Group ay mas malaki kaysa sa Napoles pork barrel scam kung kaya’t hindi ito dapat palagpasin, lalo na at nangyayari ito habang ang mga Pilipino ay nagugtutom, nagkakasakit, at namamatay sa gitna ng pandemya.

Galit daw si Duterte sa korapsyon. “A mere whiff,” ang korap tanggal agad. Pero sa kasong ito, handa niyang ipagtanggol si Duque hanggang kamatayan, habang sumasakit (nagalipong) ang ulo niya kay Lacson at kay Gordon.

Gaya nang sa droga at end endo, unti-unti na ring lumilinaw na ang kampanya niya sa korapsyon ay isa rin lamang boladas. Dahil ang totoo, galit siya sa mga nag-iimbestiga ngayon ng korapsyon sa kanyang administrasyon.

About the author

Wilson Fortaleza

Add Comment

Click here to post a comment