Nagsimula sa P.I. (peoples initiative) ngunit sinayawan ng D.I. (dance instructor) sa Senado para ma-areglo ang gusot. Ngayon ay nagbabantayan ang dalawang kampo sa kung sino ang dapat manaig sa kanila isinusulong na chacha o charter change.
Hindi inaamin pero ang tulak ng P.I. ay ang liderato mismo ng Kamara De Representantes, sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez. Si Albay Congressman Edcel Lagman mismo ang nagsiwalat nito dahil sa mga nakalap niyang resibo ng ginagawang pagpapapirma ng mga signature form ng P.I. na may kapalit pang pera sa kanya mismong Distrito. Ito ang dahilan kung bakit tinawag niya itong Congressional Initiative.
Sa Senado naman ay ang kapatid mismo ni BBM na si Imee Marcos ang nagsabi na may pangakong P20 milyon na halaga ng proyekto sa mga LGU na mangunguna sa pagpapapirma sa P.I. Marami ding naglabasang report na ang pamamahagi ng ayuda katulad ng AIECS at TUPAD ay ginagamit na plataporma para sa pagpapapirma.
Dito sa Romblon ay ipinagmamalaki namang sinabi ni Mayor Greggy Ramos ng bayan ng Cajidiocan sa Sibuyan na siya mismo ang nangunguna sa pagpapapirma ng P.I. dahil sa personal niyang pagnanais na mabago ang 37-anyos na Saligang Batas ng Pilipinas, at nang sa ganun ay umunlad naman daw ang mga nasa laylayan na mga bayan.
Medyo malayo na ang natatanaw ni Mayor Greggy sa bagay na ito, kahit na wala ito sa probisyong nakasaad sa Saligang Batas na nais baguhin sa pamamagitan ng P.I. Dahil ang nakalagay sa proposisyon ng P.I. na pinapipirmahan ay ang Article 17 lamang, kung saan binabago ang paraan ng pag-amyenda sa Saligang Batas sa pamamagitan ng Constituent Assembly (ConAss) subalit “voting as one” na ang Senado at Kamara.
Wala dito ang nasa isip ni Mayor Greggy tungkol sa “laylayan” na may kaugnayan pa sa sistemang pederalismo ng pamamahala na nangangailangan ng major revision at hindi simple amendments lamang ng Konstitusyon. Maging ang ipinasang Resolution of Both Houses No. 6 ng Kamara noong nakaraang Marso 2023 ay limitado lamang sa economic provisions ang nais baguhin, dahil gusto man nila ng pagbabago lagpas dito katulad ng pagpapalit ng bicameral patungong unicameral system, ito ay laging dead on arrival sa Senado.
Kaya madaling nabisto ng mga Senador ang layunin ng P.I. na dis-armahan sila ng kapangyarihan dahil lulunurin lamang ng mahigit 300 kongresman ang 24 boto ng mga senador. Sa kalalabas lamang na manifesto na pirmado ng halos lahat ng senador, sinabi nila ang mga katagang ito: “It is ridiculous that the Senate, a co-equal chamber of the House, which is needed to pass even local bills, will have a dispensable and diluted role in Charter Change – the most monumental act of policymaking concerning the highest law in the land.”
Malinaw dito na hindi isusuko ng Senado ang kanilang kapangyarihan sa Kamara, dahilan para kolektibo nilang bansagan ang P.I. na ito bilang “sinister and underhanded attempt to change the Constitution by exploiting our democratic process under the guise of people’s initiative.” Alam ito ng mga abogado, katulad ni Mayor Greggy.
Sa madaling salita ay hindi uubra sa mga senador ang palusot at paikot ng mga kongresman, maghalo na ang balat sa tinalupan. Subalit bilang pagrespeto sa Kamara at sa diplomatikong paraan, sinabi nila sa harap ng Pangulo at sa liderato ng Kamara na ang Senado ay magbubukas na sa chacha, subalit limitado lamang ito sa economic provisions. At noong ngang January 15, 2024, si Senate President Juan Miguel Zubiri na mismo ang naghain ng RBH No. 6 sa Senado para gawing totoo ang kanilang panukala.
Ano naman ang naging implikasyon nito? Malaking pagbabago. Kung dati ay sementeryo ang Senado ng panukalang chacha mula sa Kamara, ngayon ay nag-iba na. Sa halip na laging dead on arrival ay may D.I. na ngayon ang chacha sa Senado para sabay na silang makasayaw ng Kamara. At kung mayroon man silang hindi pagkasunduan sa pulitikal na bagay, maari naman itong i-dribol muna habang madaling nailulusot ang amendments sa economic provision, kahit ang mga ito ay hindi naman kagyat na pangangailangan ng sambayanan.
Matagal nang nakabukaka ang ekonomiya ng Pilipinas sa mga dayuhan panahon pa lamang ng Galeon Trade noong panahon ng Kastila, Free Trade sa panahon ng Amerikano, Structural Adjustment Program (SAP) ng IMF-WB noong 1980s, APEC at WTO noong 1990s, at naamyendahan na rin ang Retail Trade Act, Banking Act, Foreign Investment Act, Mining Act, at ang huli ay ang Public Services Act. Lahat ito ay nagpaluwag lalo sa pagnenegosyo ng mga dayuhan at ang natitira na lamang na limitado ng 60-40 at 100% prohibition ay ang mass media, educational institutions, advertising at ilang public utilities tulad ng kuryente at tubig.
Pero kulelat pa rin tayo sa foreign investment kumpara sa mas mahigpit na mga bansa tulad ng China at Vietnam. Ibig sabihin ay wala sa mga ito ang problema kundi sa korapsyon, mahinang imprastruktura, at mahal na presyo ng kuryente kung bakit inaayawan ng foreign investors ang Pilipinas. Sa makatwid, mas marami pang dapat ituwid ang pamahalaan bago laksa-laksang tumawid papasok dito ang mga kapitalistang alien.
Kaya’t kung pangungunahan na ng Senado ang sayaw na ito, mawawala na ito sa dapat ay mas tamang prayoridad, mga dayuhan na ang kanilang paglalaanan ng panahon. Malayo ito sa kahilingan ng mga Pinoy, na ayon sa pinakahuling survey ng Pulse Asia at Octa Research, ay pagpapababa ng presyo ng bilihin, pagpapataas ng sweldo, at paglikha ng mas maraming trabaho.
“Chicha hindi chacha!,” ika nga ng mga manggagawa.






Add Comment