Ni WILSON FORTALEZA
Agad napansin ng mga kilalang ekonomista at manunulat ang pagkakamali sa paglabas ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng Ehekutibong Kautusan Blg. 39 na nagtatakda ng mandatory caps o price ceilings sa presyo ng bigas, anila’y upang protektahan ang mga mamimili laban sa hoarding, profiteering, at kartel.
Nagkaisa sila na ang pangunahing problema sa pagtaas ng presyo ng bigas ay ang kakulangan sa suplay, ayon sa batas ng ekonomiya na tinangkang i-repeal ng Palasyo sa ilalim ng EO na ito, ayon sa isang kolumnista sa isa sa nangungunang pahayagan sa bansa. Ayon sa kanya, maaaring absent ang Pangulo sa kanyang Econ 101 classes sa Oxford at hindi natutunan kung ano ang nasa aklat.
Sa kanyang bahagi, nakita ni Winnie Monsod ang paglabas ng EO 39 na hindi napapanahon dahil ang Setyembre ang simula ng panahon ng ani. Kung isasama ang dami ng inaasahang ani ngayong panahon kasama ang nakaimbak na imported na bigas, tiyak na magiging sapat ang suplay ng bigas para sa inaasahang konsumo na 14.75 milyong metriko tonelada hanggang sa dulo ng taon. At hangga’t walang nakikitang smuggler o hoarder sa bilangguan bago ilabas ang EO na siyang dapat dahilan sa naturang aksyon, walang saysay ang hakbang na ito ng pagkontrol sa presyo.
Subalit, kahit totoo o hindi ang mga basehan at numero na inilahad sa pormulasyon ng EO na iyon, ang kalituhan, kundi man kamalian, ay mas nagdulot ng mapaminsalang resulta: Hindi nasunod kundi lalo lamang tumaas ang presyo ng bigas.
Simula noong Setyembre 5, 2023 ay itinakda ng EO 39 ang presyo ng regular at well-milled na bigas sa ₱41-₱45. Hindi ito nangyari at sa halip, ang dating binibili ko na P49 na well-milled rice ay umabot na ngayon ng P65.
Madaling maunawaan ang epekto ng price cap sa panig ng mga mamimili. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang isang average na Pilipino ay kumakain ng 9.9 kilo ng bigas bawat buwan. Ibig sabihin, isang sako ng bigas (50 kg) ang kailangan kada buwan ang pamilya na may 5 miyembro. Sa madaling salita, maaaring makinabang ng ₱125 mula sa price cap na iyon ang isang pamilya, o karagdagang 2.78 kilo ng bigas sa halagang ₱45.
Nangyari sana ito kung sumunod ang merkado. Ngunit ang mga ulat sa simula pa lang ay nagpapakita na ng kawalan ng interes at pagtutol ang mga nagtitinda ng bigas na higit naapektuhan ng itinakdang limitasyon. Ito ang nagtulak sa gobyerno na magbigay ng ayuda, hanggang sa huli ay tuluyan nang iniatras ng Palasyo ang price cap sa bigas.
Palpak, sa madaling salita.
Ngayon ay tuklasin natin ng mas malalim ang karunungan sa likod ng price control. Hindi ito epektibo sa anumang produkto, sang-ayon daw sa mga libro at maraming taon ng praktikal na karanasan. Maliban siguro para sa isang produkto na nakaligtas sa matalim na pagsusuri ng mga matalinong isip: Ang tamang presyo ng paggawa.
Hindi ba’t ang lakas paggawa, sa lahat ng mga kalakal na ibinebenta sa merkado, ang nakararanas ng di makatarungan at sistematikong pag-kontrol sa presyo?
Ang minimum na sahod ay kontrol sa presyo. Ito ay mandatory price control na nag-aanyong parusa sa nagbebenta nito, ang mga manggagawa, na katulad sa mangyayari sa mga magsasaka, nagtitinda, at mangangalakal ng bigas sakaling kontrolin ang kanilang presyo. Pero kakaiba sa bigas at iba pang kalakal kung saan ang tunay na presyo ay itinatakda mula sa kanyang gastos sa produksyon, ang presyo ng paggawa ay sa minimum na sweldo na itinatakda ng gobyerno sa pamamagitan ng regional wage boards. Ang sahod ay hindi rin magkapareho ang halaga sa buong bansa (kakaiba sa ₱41 – ₱45/kg sa kaso ng bigas) kaya’t lumalabag sa prinsipyo equal pay for equal work. Kung kaya’t ₱610 ito sa NCR, ₱355 sa MIMAROPA, at ₱341 sa BARMM!
Wala ring mga hoarder, smuggler, o kartel sa merkado ng paggawa na maaaring pag-usapan (maliban sa kaso ng mga agency) para maging dahilan para kontrolin ang suweldo. Sa halip, ang mga bumibili ng lakas paggawa ang nagtatakda kung magkano presyuhan ang manggagawa sa merkado. Sa katunayan, hindi man lang maitulad ang minimum wage sa suggested retail price (SRP) ng iba pang produkto kung saan maaari pang magpatong ang nagitinda ng mas mataas na presyo kaysa sa itinakda ng DTI.
Sa madaling salita, ang price control sa sweldo ang pinakamalaking anomaly sa ekonomiya dahil ang ganitong regulasyon ay nagpapahirap sa milyon-milyong manggagawa na sila ring pinakamalaking magkonsumo ng bigas. Pero nasaan ang malaking pagtutol mula sa mga kilalang ekonomista sa anomalyang ito? Bakit ang director mismo ng NEDA, sa isang pagdinig sa Kongreso, ay nagdeklara na ang “pagtaas ng sahod” ay mas makakasama sa ekonomiya?
Wala akong narinig, at dapat nating itanong sa kanila kung bakit. Samantala, mas makabubuting ipagpatuloy natin ang adbokasiya at paninindigan na ang ekonomiya ay mas lalong umaasenso kapag milyun-milyong manggagawa ang nabibigyan ng pagkakataon na gastusin ang higit pa kaysa sa pinambibili lamang nila ng bigas dahil sa mas mataas na sahod.






Add Comment