Ni TONY MIÑANO MACALISANG
Araw-araw na lang panay ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin partikular sa mga pagkain o sangkap sa pagkain na karaniwan nang kasama sa ating hapag kainan o paboritong kainin ng mga Pilipino. Hindi pa nga lubos nareresolba ang pagbaba ng presyo ng sibuyas ay may panibagong problema na naman ang ating mga kababayan ito ay tungkol sa pagtaas ng presyo ng itlog. Oo, itlog na masasabi nating hindi kumpleto ang ating agahan pag walang itlog sa almusal. Karaniwan na sa mga kainan na may umoorder ng tapsilog, bangsilog, hamsilog, at iba pang may log. Di ba paborito mo rin yan?
Base sa datos tumaas ng halos 45% ang halaga ng itlog sa pamilihan dulot na rin ng inflation na kinaladkad pataas ang presyo ng mga bilihin at ito ay maaring makaapekto sa pagmentina ng maayos na kalusugan bilang mura na pinagkukunan ng protena ng mga Pilipino.
Dati-dati nasa P6.00 lang ang presyo ng isang itlog, ayon sa Departamento ng Agrikultura. Sa ngayon tumaas ito at nabibili na sa halagang P6.90 hanggang P8.70. Dito sa Odiongan, Romblon nasa halagang P250.00 na ang isang tray ng ilog na direkta mula sa egg layer farm. Baka mas mataas pa ang bentahan sa mga tindahan. Itinuturo nilang dahilan sa pagmahal ng itlog ay ang mataas umanong presyo ng mga patuka.
Dahil sa pamahal ng pamahal ang pagkain ay malamang na maraming Pilipino ngayon ang magbabawas na sa pagkain. Yung dating kumakain ng tatlong beses isang araw baka maging dalawang beses na lang sa isang araw o kaya’y isang beses na lang?
Malaking hamon sa pamahalaan ang pagpapababa ng presyo ng bilihin na siyang ipinangako ng administrasyong Marcos sa panahon ng halalan. Hindi nawawala sa isipan ng mga tao ang kanyang pangako na ibaba sa P20 ang halaga ng bigas. Marami ang naniwala dito na hanggang sa ngayon ay kanilang inaasahan. Pero, sabi nga ni Marcos, mahihirapan daw siyang gawin ito at totoo naman dahil imbes na bumaba ang presyo ng mga bilihin ay kabaliktaran ang nangyayari, mabilis na sumisirit pataas. Aray ko! Di ba feel nyo rin? Damay-damay na ang lahat. Walang nakakaligtas.
Sa ngayon, dahil sa kinakaharap na kabi-kabila na pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay mga kababayan tayo ba nagsasabi na magdidildil na lang daw sila ng asin? Pero ultimo asin ngayon ay may kinakaharap na ring isyu dahil may shortage daw sa suplay ng asin dito sa ating bansa? At may panukala nga diyan na mag-aangkat daw ng asin ang Pilipinas? Mag-iimport na naman? Yang pag-iimport ang lagi nating naririnig sa administrasyong ito, angkat dito, angkat doon. Ang industriya ng ibang bansa ang tinatangkilik at napapabayaan nang tulungan, at palaguin ang ating sariling industriya. Yan ang malaking pagkukulang ng gobyerno at hindi natutukan na bigyan ng ayuda ang sarili nating industriya lalo na sa sektor ng agrikultura. Kung sinasabi nilang ginagawa naman nila kaso hindi sapat, kulang. Hindi na sana umabot sa mga ganitong problema kung noon pa ay may binibigay na seryosong paggabay sa ating mga kababayang nasa laylayan. Eh, puro lang naman photo ops, picture taking at “scam” ang alam.
Kung walang sapat na tulong ang gobyerno sa sektor ng agrikultura, wala ring makikitang pagbaba sa presyo ng mga bilihin. Tuloy-tuloy pa rin ang paimbulog ng presyo at ang talo dito ay tayong mga Pilipino, sino pa nga ba?






That’s true.