NI JUN FIEDACAN
Inalis na ang price ceiling ng bigas na regular milled rice na itinakda sa P41.00 at well milled rice na itinakda naman sa P45.00 sa ilalim ng Executive Order No. 39 na pinirmahan ng Pangulong Bong Bong Marcos noong Agosto 23, 2023. At ipinatupad ngayong Setyembre. Kaya ngayong Oktubre ay balik na sa dating mataas na presyo ang bigas na ibinibenta sa mga palengke.
Ang layunin ng nasabing Executive Order ay pababain ang bigas sa merkado habang hindi pa kasagsagan ng anihan para naman maibsan ang hirap ng mga mamamayan sa pagbili ng mataas na presyo ng mga bilihin. Pero ang nangyari naman ay hindi talaga bumaba ang presyo ng bigas dahil yong iba ay tumigil lang muna sa pagtitinda dahil mataas ang kuha nila. Yong iba naman na pumayag doon sa programa ng DTI na sumunod lang sa price ceiling kahit palugi ay inalalayan naman ng DSWD at binigyan ng ayuda sa pamamagitan ng subsidiya doon sa kanilang kalugihan sa pagbenta ng bigas sa paluging presyo at ibinalik naman sa kanila ng DSWD.
Mabuti at inalis na rin yong price ceiling ng bigas dahil ang tatamaan dito ay yong mga magsasaka na nagtatanim ng palay. Mahal ang puhunan pero ibebenta sa murang presyo. At ngayong wala ng Executive Order ay magagawa na yong umiiral talagang presyo ang masususnod. Bagaman at anihan ay hindi naman masyadong bumababa ang presyo ng bigas sa pamilihan. Dapat nga sana ay mababa yong mga imported na bigas dahil ibinaba na ang mga taripa nito. Pero sa ngayon ay nakikipagsabayan din ang presyo sa mga lokal na bigas. Ang reklamo ng mga mamimili ay mabango daw ang mga imported rice at marami ang nagrereklamo na kapag kumain sila ay nalulula. Mahal na rin ang mga imported na bigas dahil nag mahal na din ito doon sa mga exporting countries.
Kahit pa sinasabi ng mga taga Department of Agriculture na mataas ang production ng lokal na palay ay hindi pa din puwedeng asahan ito na makakasapat sa pagkain ng bansa. Kailangan talaga ay umangkat tayo. Marami na sa ating mga magsasaka ay iniwanan na ang pagpapalayan dahil nalulugi sila. Yong iba ay ibinenta na ang mga palayan ng tuluyan. Maraming mga palayan ngayon na ginawang mga bahayan na lang. Yong iba ay mga commercial establishment ang ipinatatayo. Yong ibang palayan ay dinaanan na din ng mga kalsada at malaking kabawasan nito sa mga dating palayan. Yong iba ay hindi nakapagtanim dahil sira ang mga irrigasyon.
Nagsisimula na ulit magtanim ng second cropping ang mga magsasaka. Para ito pandagdag sa kanilang mahinang ani ng unang pagtatanim. Pero nakababahala dahil ayon sa PAGASA ay magkakaroon ng EL NINO ngayong last quarter ng taong 2023. Bagamat hindi masyadong mainit ay limitado naman ang mga ulan hanggang sa unang kuwarter ng susunod na taon. Kung ganitong mahina ang ulan, ibig sabihin puwedeng kapusin yong mga tubig sa irrigasyon. At yong mga sahod ulan na mga palayan ay siguradong makakaranas ng tagtuyot at mga bitak na lupa. Huwag naman sana at kawawa yong ating mga mamamayan pag walang ani ay gutom ang mararanasan.
Pag ganitong may mga El Nino ay kadalasang naninira ang mga peste dahil mabilis silang dumami. Sila man ay apektado ng pagbabago ng klima. Kaya dapat paghandaang mabuti ng ating mga magsasaka ang pagatake ng mga army worms, atangya at maging mga daga. Kailangang sabay-sabay na nagtatanim ang mga magsasaka para ang mga peste ay maraming mapupuntahang palayan at hindi doon lang sa iisang parte o barangay dahil sabay sabay na lalago ang mga palay.
Pangkaraniwan sa panahon ng El Nino din ay malalakas ang mga bagyo na dumadating sa Pilipinas. Maging ito ay dapat nating paghandaan. Ang pagbabago ng klima ay malaki ang epekto sa mga pananim. May mga nababansot at hindi makalago dahil sa kakulangan ng tubig. At sinasabi naman ng mga ekperto na sa pagbabago ng klima ay nakakaapekto sa kabuuang produksyon ng palay. Kaya dapat ay magtanim din ang mga magsasaka ng ibang mga pananim katulad ng mga halamang ugat. Para kung mahina ang ani ay puwedeng kumain ng balinghoy at kamote kung may tanim tayo. Walang gutom sa mga masisipag na mamamayan. Asahang mas lalo pang tataas ang presyo ng mga gulay at bigas sa panahon ng tag tuyot.







Wala pa ring yung tig P20.00 na bigas?