Ni Ernesto Firmalo Ang II
Dahil wala namang eroplano noon, lahat ng biyahe o paglalakbay sa mga isla sa Pilipinas ay sa pamamagitan ng mga sasakyang pandagat.
Sa kasalukuyan, halos isang oras lang papuntang paliparan ng Tablas galing sa Maynila kung sasakay ka sa eroplano. Kung nanggaling ka sa Batangas, ang mga barko ay mabilis na rin at halos hindi aabot ng kalahating araw lang ang haba ng biyahe.
Noong hindi pa uso ang turismo, ang mga biyaheng papunta ng Romblon ay halos kalakal, sulat at mga hayop ang laman ng bangka. Minsan, may mga pasahero din ito tulad ng mga pari at mga opisyal ng pamahalaan. Wala pang “de motor” noon at sa lakas lang ng hangin ang bilis ng biyahe nakadepende.
Hindi ka pa puwede magbakasyon sa “weekend lang” kasi aabutin ka ng ilang araw sa dagat.
May mga tawag din sa ibat-ibang uri ng sasakyang pandagat noong panahon ng Kastila. Ang mga tipo na pang biyaheng Romblon ay tinatawag na pailebot, bergantin, goleta, panco o kumbinasyon nito.
Ang daungan ng Maynila noon ay parang “airport” ngayon. Lahat ng mga dumarating na biyaheng lokal at pandaigdigang barko ay pumapasok sa ilog ng Pasig upang dumaan sa aduana (customs). May mga numero pa ito na parang “flight number” at pangalan ng barko.
Tingnan natin ang mga biyahe noon sa Romblon sa pahayagang Gaceta de Manila na matatagpuan sa aklatan ng UST (Miguel de Benavides Library).
(1) Romblon – Maynila Pailebot, numero 59, Lucinda 14 na araw na biyahe. Mga kargamento: abacá, mantikilya, langis, alkitran, waks (wax), sigay, balate (sea cucumber), sibucao, yantok, mga bunga ng niyog, mga baboy at baka at mga bayones (bayong).
(2) Sibuyan – Maynila Panco, numero 313, Sto. Niño 7 na araw na biyahe Mga kargamento: Mga kahoy tulad ng narra, baticulin, almáciga, mga pinutol na kahoy (rajas de leña) at mga balat ng kalabaw (cueros de carabao).
(3) Sibuyan – Maynila Bergantin-goleta, numero 88, Celestina, 5 na araw na biyahe. Mga kargamento: Mga kahoy tulad ng narra, almáciga, abacá, baticulin, niyog at kamagong.
(4) Magallanes – Maynila. Bergantin-goleta, numero 40, San Francisco. 12 na araw na biyahe. Mga kargamento: Mga kahoy tulad ng narra, baticulin at banabá.
(5) Batangas – Romblon. Panco, Remedio. Walang kargamento o en lastre. Nagpapatunay na noong 1864 ay may biyahe na ang Romblon papunta ng Batangas.
(6) Romblon – Iloilo. Panquillo, Sto. Niño. Kargamento: Bunga (Areca) o Bungan-Gubat. Nagpapatunay na noong 1864 ay may biyahe na ang Romblon papunta ng Iloilo.
(7) Banton – Maynila. Panco, numero 513, San Nicolás de Tolentino. 8 na araw na biyahe. Kargamento: Mga kahoy tulad ng ipil, mga niyog, abaca, ube at baboy.
Depende sa uri ng sasakyang pandagat, bigat at layo nito, umaabot pa rin ng 5 hanggang 14 na araw ang biyahe papuntang Maynila galing sa ibat-ibang bahagi ng Romblon.
Pinagkunan: Gaceta de Manila, (1)(2) Hulyo 2, 1864; (3)(4)(5)(6) Hulyo 3, 1864; (7) Hulyo 5, 1864






Add Comment