Ni Ernesto Firmalo Ang II
Ang industriya ng marmol sa isla ng Romblon ay kinikilala na noong panahon ng Kastila. Isa sa mga pagkakataon na maipakita ito ay noong pinagawa ang rebulto ng Reyna ng España na si Doña Isabel II de Borbon.
Ang proyekto para ipagawa ang rebulto ay inaprubahan ng Marqués de Novaliches na si Don Manuel Pavía y Lacy noong Pebrero 5, 1854, dalawang araw lang bago siya naging Gobernador-Heneral ng Pilipinas. Ang gastos dito ay manggagaling sa suscricion general voluntaria sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa halagang 10,000 pesos, isang kilalang Kastilang iskultor na si Don Ponciano Ponzano ang gumawa sa rebulto. Ang casting ng rebulto ay ginawa sa Paris sa kilalang pandayan nila Eck & Durand. Ang pedestal nito ay marmol na galing sa Romblon sa halagang 5,000 pesos at sa harap ay may nakasulat na El Ayuntamiento de Manila en nombre de los habitantes de Filipinas á su Reina Doña Isabel II. Pinasinayaan ito noong 1860.
Bago pa man ipinadala ang rebulto sa Pilipinas, matagal itong ipinakita sa Madrid dahil marami ang nagagandahan dito. Isinakay ito sa daungan ng Cadiz papuntang Pilipinas sa barkong fragata española Alavesa. Hindi nagpabayad ng pamasahe ang Kapitan na si Don Marcelino Dobaran bilang regalo sa lungsod ng Maynila.
Matatagpuan ang rebulto ni Doña Isabel II ngayon sa Puerta de Isabel sa Magallanes Drive, Intramuros.
Pinagkunan: Ilustracion Filipina Periódico Quincenal, Manila, 1 de agosto de 1860.






Add Comment