LEKSYON SA ELEKSYON

Halos ilang linggo na ang nakalipas na halalan ngunit mainit pa ring pinag-uusapan ng ating mga kababayan ang nagdaang eleksyon lalo na sa social media. Isa na rito ang pagkapanalo ni Mayor Trina Firmalo-Fabic laban kay incumbent Governor Otik Riano. Hindi makapaniwala ang mga supporter ni Gov Otik sa pagkatalo nito.
Biruin mo nga naman, kumpleto ang kanilang mga kandidato sa municipal level sa buong bayan ng lalawigan ng Romblon. Maliban sa kumpleto, ang dalawang partido na naglalaban-laban ay pareho nilang minamanok. Oo, puro kanilang mga kakampi na suportado ang grupo ng BOTIKA (Budoy, Otik, Arming).
Ang dinadalang partido ng isa ay ang partido ni Gov. Otik na Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at ang kalaban naman nitong kandidato ay tumatakbo sa ilalim ng partido ni Congressman Budoy Madrona na Nacionalista Party (NP).
Tanging sa bayan lamang ng Odiongan at San Fernando sa isla ng Sibuyan ang merong kandidato na kakampi ni Mayor Trina. Di ba malaking bentahe yan sa kampo ni Governor Riano?
Dagdag pa dito ang financial capacity ng grupo ng Botika. Nasa panig sila ng administrasyon at may grasya mula sa itaas. Maliban pa sa sarili nilang pondo na matagal nang inihanda para sa bakbakan.
Ang sabi nga ng mga netizen, abala umano ang speedboat at helicopter paroon at parito sa mga isla. May hinala sila na may ibinabaggsak sa mga bayan-bayan na milyon-milyong umanong datung?
Kaya nga mataas ang kumpiyansa ng mga kapanalig ni Gov. Otik at may mga nanghamon pa ng pustahan na ito ay mananalo. Hindi talaga maaalis ang sugal sa mga Pinoy, no? At suwerti naman ng mga kumasa sa nasabing pustahan, at kumabig.
Sa nangyari, daig pa ang pagsabog ng bulkang Taal sa balitang resulta ng halalan na pagkatalo ni Gov. Otik laban kay Mayor Trina. Nakakabigla at hindi kapanipaniwala para sa kampo ng BOTIKA.
Malakas ang ugong-ugungan sa mga supporter ni Riano na mayroon daw nagtraidor sa kanilang grupo? Wala namang malinaw na sinabi kung sino-sinong tao ang kanilang tinutukoy at kung saan itong lugar na umano’y may ginawang hindi kanais nais ang kanilang mga kakampi.
Akalain mo nga naman halos panalo lahat ang kanilang kapanalig na mga kandidatong meyor sa lahat na bayan sa buong lalawigan maliban lang sa bayan ng San Fernando kung saan talo si Salem Tansingco.
Kung nagwagi ang kanilang mga kandidato dapat ay kasama rin sana si Gov Otik, pero ang nanalo ay si Mayor Trina. Sa bilang na 17 na munisipyo ay 13 bayan ang kay Mayor Trina at apat lang ang kay Gov Riano na kinabibilangan ng bayan ng Romblon, San Agustin, Banton at Concepcion.
Hayag sa publiko na maraming pera daw ang ibinagsak o dinala sa mga bayan-bayan? Sino-sino ba ang tumanggap, at sino ang bumulsa?
May mga biruan nga na may mga lider o coordinator umano na may mga bagong motorsiklo at mga aplayanses pagkatapos ng eleksyon? Naging wais na daw itong mga lider tuwing may ganitong aktibidad.
Madalas kung marinig ito sa mga nagiging lider na tuwing eleksyon lang daw sila nagkakapera? Pati itong mga ginagawang lider ay nagiging tuso na rin?
Sa kasalukuyan ay may mga tao pa rin na hindi makapag move-on. Mahirap nga naman tumanggap ng pagkatalo lalo kung milyon-milyong salapi ang natunaw sa nakaraang halalan.
Sumatotal, isa itong leksyon para sa mga kandidato tuwing eleksyon.

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment