Ni TONY MIÑANO MACALISANG
Nahaharap ang ating bansa ngayon sa maraming importasyon ng mga produktong agrikultura. Kung inyong natatandaan ay matagal na rin tayng umaangkat ng bigas mula sa ibang bansa dahil hindi sapat ang ating naaaning palay para maipakain sa ating mga kababayan. Dati-dati malaki ang ating inaaning palay at nag-eexport pa tayo, pero ngayon baliktad na at bumaba na ang ating production dahil sa maraming dahilan at isa na diyan na maraming palayan na ang ginawang mga subdivision at ang iba ay ginawa na ring commercial land na pinatayuan ng mga gusali.
Hindi lang bigas ang inaangkat natin ngayon, nandiyan rin ang mga produktong agrikultura na mas mura daw sa ibang bansa kaysa tayo ang magtanim tulad ng bawang mula sa bansang Taiwan at China.
Dagdag pa ang binibili nating mga gulay tulad ng carrot na meron naman sa Ifugao. Nandiyan rin iniimport nating ang mga prutas, tulad ng orange, mansanas, ubas at iba pa.
Naging isyu rin itong balak na pag-aangkat ng asukal o baka may naangkat na. Yan kasi ngayon ang umiinit na isyu na umano’y kulang ang ating estak na asukal kung kaya’t tumaas ang presyo nito.
Ngayon naman kailangan na rin daw na umangkat tayo ng asin at nawawala rin ang suplay nito? Totoo ba ito o gawa-gawa lamang ng mga gustong kumita diyan? Kung tutuusin may industriya tayo ng ganyang produkto. Meron tayong lokal na gumagawa ng asin, bakit kailangan pang mag-import daw ng asin. Hindi lang yan, at may nagsasabi naman na kailangan na rin daw na umangkat tayo ng mga isda?
Puro na lang importasyon ang nasa isip ng ating mga nanunungkulan sa ating gobyerno. Pag nangyari yan mamamatay na ang ating lokal na industriya lalo sa agrikultura at ang mangyayari ay maraming kababayan natin ang mawawalan ng trabaho.
Ano ba ang nangyayari sa programa ng Department of Agriculture at hindi mapataas ang production ng ating mga produkto? Dati tayo ang nag-eexport papunta sa ibang bansa, ngayon tayo na ang bumibili sa kanilang ng mga produkto mula sa agrikultura?
Baka maniwala na ako sa sinasabi nila may mga sindikato daw dyan kung saan kabilang ang mga gahaman na malalaking kompanya na kasabwat ang mga kurap na mga opisyal ng gobyerno. Yung kanilang papaniwalain na may malaking kakulangan sa isa o maraming produkto na ang tanging solusyon ay mag-import para mapunuan ang kakulangan na ito. Marami na kasing bodega ang natutuklasan na nag-iimbak ng mga produkto kagaya ng asukal na nakatago lamang sa loob. Pinapalabas nila na kulang ang suplay sa merkado para may dahilan silang mag-import. Pag kulang kasi ang suplay mabilis naman ang pagtaas ng presyo nito sa pamilihan.
Umiiral na kasi dyan ang pansariling interest ng mga kurap na opisyal at tusong mga negosyante na gustong magkamal ng salapi sa mabilis na paraan. Yung sinasamantala nila na kanilang kasangga ang mga nakaupo at kailangan samantalahin ang panahon para kumita ng malaki at yumaman sa maiksing oras lamang. At sa pag-aangkat ng mga pangunahing produkto ang kanilang naisipan na mapagkuwartahan kahit na nakasalalay dito ang kinabukasan ng ating industriya ng mga nasabing produkto lalong-lalo na sa industriya ng agrikultura.
Hindi na natin malaman kung saang direksyon papunta ang Pilipinas, kung maging isang self-reliant o taga angkat na lang sa ibang bansa? Wala na bang sapat na kakayahan ang mga Pilipino para mapakain ang kanyang mamamayan? O talaga lamang na tatak na sa mentalidad ng mga Pinoy ang tumangkilik ng mga produktong imported?






Add Comment