Ni ERNESTO FIRMALO ANG II
Halos isang buwan bago nakarating sa pahayagang La Oceania Española (nalathala noong Abril 17, 1889) sa Maynila ang balitang may malaking sunog sa bayan ng Odiongan. Nakasaad sa balita na nagkaroon ng sunog sa bayang ito noong Marso 28, 1889 (Huwebes) ayon sa “cabo comandante” ng Odiongan. Nagsimula ang sunog ng 11:30 ng umaga at natapos ng 5:30 ng hapon. Nasunog halos lahat ng parte ng bayan kasama ang simbahan, kumbento at ang tribunal (ang korte noon) sa kabila ng tamang aksiyon ng Guardia civil (ang mga pulis noon), Cura párroco (ang simbahan) at ng Principalía (ang LGU noon) sa pagpigil nito. Naulat na wala namang nasaktan na Odionganon sa pangyayaring ito.
Makalipas ng isang buwan pagkatapos nalathala ang balita sa nasabing pahayagan, noong Mayo 28, 1889, isang residente ng Odiongan ang sumulat sa parehong pahayagan ukol sa sunog at dito niya binahagi ang mga detalye ng mga nangyari. Siya si Don Perfecto Criscini, isa sa mga Kastilang nakatira sa Odiongan noon. Isinulat ni Don Perfecto sa La Oceania Española (nalathala noong Hunyo 16, 1889) na nagsimula ang apoy sa isang kubo na yari sa nipa (at caña, o tubo) sa paanan ng puno ng niyog sa labas ng poblasyon. Hindi niya mawari kung paano kumalat ang apoy sa mga bahay kahit ang daan ay malapad. Nagmadaling sumugod sa mga unang sandali ang Gobernadorcillo na si Don Hermenegildo Fabon at ang kanyang mga kasamahan (cuadrilleros at Guardia civil) upang magbigay ng anumang tulong na maaari, ngunit wala silang silbi.
Inilarawan ni Don Perfecto na ang kanyang bahay ay isa sa mga unang natupok na mga bahay ng mga Kastila. Nailigtas nya halos lahat ng kanyang paninda, kaso lang at nasama sa sunog ang kanyang 777 cavan ng palay at mga gamit sa bahay. May iba ring Kastila sa Odiongan ang nasunugan tulad ni Don Pedro Juan Ortis na nasunugan ng 2,000 cavan ng palay at si Don Bernabé Arriandiaga na nasunugan ng 2,800 cavan ng palay. Sinabi nya na meron ding iba na nasunugan pero hindi kagaya sa kanila na mas maraming nawala. Nanakawan din sya ng 65 pesos. Kasama ang palay, nawalan siya ng halos mahigit na 1,000 pesos.
Kung ihahalintulad sa ngayon, ang halaga ng nasunog na 777 cavan na palay ni Don Perfecto ay halos P567,000. Samantala, ang 2,000 cavan na palay ni Don Pedro ay halos P1.4 milyon at higit sa lahat ang 2,800 cavan na palay ni Don Bernabé ay P2 milyon. (Mga tala: 1 cavan ng palay, o “unhusked rice” = 43 kilos, ang presyo ng palay ay P17/kilo August 2022).
Pinuri ni Don Perfecto si Fray Miguel Galán (y Jimenez) de la Soledad, ang Cura ng Odiongan noon, sa kanyang naging aksiyon sa pagkasunog ng simbahan at kumbento. Bilang isang manunulat, maraming obra si Fray Miguel na natupok sa sunog na hindi nya nailigtas kasama ang isa na halos matatapos na. Kaysa sa kanyang mga personal na gamit sa kumbento, inuna ni Fray Miguel ang pagligtas sa mga aklat ng simbahan, kagamitan ng mga pari at ang sakramento. Kahit may panahon pa siyang iligtas ang lahat ng gamit nya sa kumbento, pinili ni Fray Miguel ang kaligtasan ng lahat para hindi kumalat ang apoy sa bayan. Subalit sa huli ay nasunog din ang simbahan at kumbento kasama ang mga importanteng obra ni Fray Miguel.
Nalaman ni Fray Leandro Arrué de San Nicholas de Tolentino, ang Obispo ng Jaro noon, ang kamalasan na nangyari sa Odiongan at siya ay nagbigay ng 250 pesos. Ang Comandante ng Romblon na si Don Casimiro Perez Dávila ay nagpadala ng sulat sa lahat ng bayan ng distrito at nanawagan ng tulong at pakikiramay sa Odiongan para mapagaan ang hirap na dinadanas ng mga naapektuhang Odionganon.
Napansin ko na ang iniulat na sunog sa Odiongan sa pahayagang La Oceania Española ay nangyari noong Marso 28, 1889. Naiulat ito sa dalawang isyu ng pahayagan noong Abril 17,1889 at Hunyo 16, 1889. Subalit kung babasahin mo ang aklat ni Mateo Meñez (Brief History of a Typical Philippine Town), ang sunog sa Odiongan ay nangyari noong Marso 29,1889 (pahina 43). Kung bibisitahin mo ang isang “historical marker” sa harap ng simbahang Katoliko sa Odiongan, mapapansin mo na March 1888 ang sunog. Ang kampana naman na nasa pananda na sinasabing “remnant” ng sunog ay ginawa noong 1897 ng H. Sunico Y Hos Jaboneros 50 (Hilario Sunico Y Hermanos, 50 Jaboneros St, San Nicholas, Manila). Nakasulat din na ito ay panahon ni Fray Agustin Pérez de la Virgen de los Remedios.
Ano kaya ang nangyari at hindi nagtutugma ang mga datos sa isang makasaysayang palatandaan. Malinaw na si Fray Miguel ang Cura ng Odiongan nang mangyari ang sunog at ang kampana ay hindi pa gawa noong 1889. Posible kaya na ang kampana na nasunog ay pinatunaw at ipinagawa uli noong 1897 sa panahon ni Fray Agustin? Sa nasabing aklat ni Mateo Meñez, mayroon ding pangalawang kampana (pahina 31). Ano kaya ang kuwento nito?
Ang pagsasaliksik ay hindi natatapos. Maaring marami pang bagong impormasyon na lumutang sa hinaharap. Sundan niyo ang aking kolum dito sa Romblon Sun sa makulay na kasaysayan ng Romblon.






Add Comment