Ni WILSON FORTALEZA
Sa isang press conference noong Nobyembre 9, 2023, ay inihayag ng Energy Regulatory Commission (ERC) na mahigit P200 bilyon na kita para sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang hindi pinayagan ng ahensya matapos ang isinagawang review para sa 4th Regulatory Period na natapos noon pang Setyembre 2023.
Kaya’t nang tanungin ni Senadora Risa Hontiveros ang ERC sa gitna ng deliberasyon ng 2024 budget para sa Department of Energy (DOE) kung maaari bang magkaroon ng immediate refund para sa mga konsyumer matapos ang desisyong ito, sinabi ng ERC na maaari itong mangyari sa unang quarter ng 2024.
Hindi maikakaila na itong partial determination ng ERC para sa rates ng NGCP sa 4th RP ay napakatagal dumating, dahil sa Performance-Based Regulation (PBR) system na ini-adopt ng ERC mula pa noong 2003 ay itinakda ang reset process gawin tuwing apat na taon. Isa sa mahalagang kinakailangang gawin sa prosesong ito ay ang pagsusuri sa mga inaasahang gastusin ng utility sa simula ng regulatory period. Kasama dito ang capital expenditures, depreciation, operations and maintenance expenses, taxes, at iba pang bayarin, maliban sa corporate income tax. Ang resulta ng review o reset ang magtatakda kung magkano ang papayagan ng ERC na singilin ng utility mula sa konsyumer.
Ang isinagawang pagsusuri ng ERC sa kaso na ito ay tumukoy sa mga singil ng NGCP mula 2016–2022, sa ilalim ng 4th RP. Sa buod, pinahintulutan lamang ng ERC ang NGCP na kolektahin ang maximum allowable revenue (MAR) na P183.49 bilyon ng transmission charge sa panahong iyon, o 52.7% na mas mababa sa hinihingi nito na P387.80 bilyon. Ibig sabihin, katumbas lamang ito ng P36.7 bilyon ng annual revenue kumpara sa P77 bilyon sakaling pinayagan ang NGCP sa kanyang aplikasyon.
Ang NGCP ang namamahala sa transmission system ng bansa sa ilalim ng isang concession agreement sa Transco. Ito ay pag-aari 60% ng consortium nina Henry Sy, Jr. at Robert Coyiuto, habang ang natitirang 40% ay hawak ng State Grid ng China.
Nasa P4 bilyon ng mga gastusin ng NGCP na hindi pinayagan ng ERC na mabawi mula sa mga konsyumer. Ang mga ito ay gastos para sa mga hindi konektado sa paghahatid ng serbisyong transmission tulad ng advertisement, PR at entertainment, CSR at charity work, pati na ang mga donasyon para sa COVID-19. Hindi rin pinayagan ng ERC non-mandatory benefits na ibinigay sa mga empleyado ng NGCP, kabilang ang ang performance bonuses, na sabi ng regulator ay hindi maaaring ipasa sa mga konsyumer.
Bahagi din ng naging desisyon ng ERC (na sumasaklaw lamang sa mga taon 2016–2020) ang pagbawas sa 12.15% na weighted average cost of capital (WACC) para sa transmission na hinihingi ng NGCP, patungong 10.71% na lamang. Tandaan na ang NGCP ay nagtatamasa ng 15% WACC sa ilalim ng 4th RP, na parehong antas ng WACC na ibinigay ng naunang ERC sa Meralco. Sa kasamaang-palad, ang proseso ng reset ng ERC para sa 4th RP para sa distribution utilities (DU) ay hindi pa tapos, ngunit inaasahang pareho o kaya ay mas mababa ang magiging desisyon dahil ang inirerekomendang WACC ng consultant ng ERC para sa DU ay 8.27%lamang.
Halos 20% ng power bill sa household ay napupunta sa distribution charge, habang ang 60% ay para sa generation. Ang transmission charge ay 3–5% lamang ng bayarin, ngunit kapag ito ay kinokolekta kahit ilang sentimo lamang kada kilowatt-hour ng konsumo mula sa milyon-milyong konektadong kostumer sa grid, nagiging bilyon-bilyon ito kada taon. Ito ay sa kabila ng mababang antas ng konsumo sa bansa bunga ng mataas na presyo ng kuryente sa ilalim ng pribatisado ng industriya ng kuryente sa bansa.
Bunga ng pag-apruba ng dating ERC sa mataas na WACC at allowable na gastusin sa mga nakaraang mga taon, nakamit ng NGCP ang tinatawag na windfall profit na umaabot sa halos 67%. Ayon sa kanilang financial statements, kumita ang NGCP ng kabuuang P306.77 bilyon na kita mula 2008 hanggang 2022. Ayon dito, nakapagbigay ito ng cash dividends na umaabot sa P238.84 bilyon sa parehong panahon. May mga pagkakataon na mas malaki pa nga ang ipinamumumod nito na cash dividends sa kanyang shareholders kaysa sa kanyang kinikita. Noong 2011, ang comprehensive income ng NGCP ay ₱21.51 bilyon lamang, pero ang dividend nito ay ₱22 bilyon. Ang kita ay ₱19.46 bilyon noong 2013, pero umabot sa ₱24 bilyon ang dividend payout. Ganito rin ang nangyari noong 2014, kung saan ang kita ay ₱22.39 bilyon ngunit ang cash dividends ay umabot sa ₱24 bilyon.
Ang mga shareholders ng NGCP ay maaaring ituring na pinakama swerteng mga mamumuhunan sa bansang ito dahil humahamig sila ng payout rate na higit sa 90% samantalang ang kanilang mga transmission projects ay delayed, at may ilan ay hindi na isasagaw, ayon din mismo sa ulat ng ERC.
Ngunit bagamat maaaring purihin ang bagong ERC sa ilalim ni Chairperson Mona Dimalanta dahil sa desisyon na bawasan ang pinapayagang kita ng NGCP para sa 4th RP, ito rin ang parehong institusyon, kasama ang DOE, na naging kasabwat sa ganitong uri ng inhustisya sapagkat tanging ang ERC lamang ang maaaring magparusa, o sa ibang pagkakataon, ay magbigay-pahintulot o gawing legal ang pandaraya sa industriya ng kuryente.
Ang mga singil ng Meralco at iba pang DUs sa ilalim ng 4th RP ang susunod na rerebisahin, ngunit katulad sa NGCP, kahaharapin din ng ERC ang isa pang grupo ng mga makapangyarihang tao na pamilyar sa pag-capture ng mga regulators.
Ang tanging dahilan na alam ko kung bakit nananatili ang mataas na presyo ng kuryente sa bansa at kabilang sa pinakamataas sa buong mundo, ay pangunahin dahil sa tinatawag na regulatory failure. Itinatag ang ERC na maging isang independiyenteng regulator, subalit ang pakikibaka nito para sa pababain ang presyo ng kuryente ay nabigo sa nakalipas na21 taon sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), dahilan upang mamayani pa rin ang problema ng energy poverty at deprivation sa bansa.
Ang pagpapababa sa mataas na presyo ng kuryente sa pamamagitan ng kompetisyon, seguridad sa enerhiya at maasahang suplay, at pagpapaunlad ng lokal na mapagkukunan ng renewable energy ang pangunahing layunin ng EPIRA noong ito ay isabatas noong 2001. Hindi kailan man nabanggit ang windfall profit na maging bahagi ng mga layuning panlipunan ng EPIRA, ngunit dito lang, kung saan maaaring ituring ng gobyerno ang kanyang malaking tagumpay.






Add Comment