SALA SA PANAHONG IMPORTASYON NG MGA PRODUKTONG PAGKAIN, NAGDUDULOT NG KABIGUAN SA MGA MAGSASAKA

Ni JUN FIEDACAN

Wala kaming nakikitang ginagawang solusyon ng ating mga nakapuwestong economic managers ng administrasyon ni PBBM, para mabawasan ang pag angkat ng mga produktong pang agrikultura. Bagkus lalo pang tumataas ang importasyon ng bigas, asukal, asin, bawang, sibuyas, kamatis at ibat ibang karne. Wari ko ba ay iniaasa na lang natin sa importasyon ang ating mga pangunahing pagkain.

Ang isang masalimuot na nangyayari dito na bagaman at maraming suporta ang gobiyerno sa ating mga magsasaka ay kinukulang din sa dami ng naghahangad na makakuha nito. Kaya naman napipilitang na ibahagi ang mga suporta sa mas marami at pinaghahati hati na lang. Kaya kakapiranggot na lang ang nakukuha ng mga magsasaka.

Sa kabilang banda, ay mababa ang ani ng ating mga magsasaka lalo na sa produksyon ng palay. Nariyan ang mahal na abono, mahal na upa sa mga makinarya at iba pa. Tapos, ang mga tanim ay babagyuhin, nariyan ang baha, tagtuyot, mga peste, mga damo na nagreresulta sa mabang ani.

Masisipag ang ating mga magsasaka. Kaya nilang mag tiis ng hirap. Kaso mahina ang koordinasyon ng mga tao sa itaas at mga tao sa ibaba, lalo na sa mga agriculturist / field workers. Bakit kamo? Hindi ba nila matantiya kung kailan dapat mag angkat ng mga produkto? Bakit kung kailan ang anihan ng mga produkto ay saka naman dumadating yong mga imported na produkto. Kung kailan ang anihan ng palay ay libo libong tonelada ng bigas ang dumadating sa bansa. Kung kailan ang anihan ng tubo ay saka naman dumadating ang imported sa asukal. Maraming imported na kamatis, sibuyas at bawang ang dumadating kaya ibinabagsak ang presyo ng mga bilihan sa mga magsasaka ng lokal na mga negosyante. Samantalang pagkatapos ng anihan ng sibuyas ay bigla namang tataas ang presyo ng sibuyas. May mga magsasaka tayo na itinatapon na lang ang repolyo, kalabasa, kamatis dahil hindi mabili sa palengke at bumabaha ang imported na mga produkto.

Bumabagsak ang presyo ng buhay na baboy dahil maraming supply ng imported na karne. Dahil mura ang buhay na baboy at mababa ang demand nito sa mga meat processors. Dahil sa halip na lokal na suplay sa mga probinsiya ang binibili ay imported na karne ang mga binibili. Kung bumabaha ng karne sa mga malalaking palengke sa Manila, ay paano pa mabibili ang lokal na produksyon?

Hanggang ganito ang mga nangyayari at wala namang ginagawang hakbang ang gobiyerno ay mananatiling ganito ang kalakalan ng mga agricultural products. Baka tumigil na sa pagtatanim ang ating mga magsasaka at umasa na lang talaga sa imported. Kawawa ang ipinangangalandakan nilang Bagong Pilipinas daw.

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment