RESBAK NI LEILA

Ni BOBOT FRADEJAS

SA PAGLAYA ni Leila de Lima, maasahan ni Gongdi ang tindi ng ganti, sa mga pinagtagpi-tagping asunto na kanyang iniutos at pinangunahan upang sirain ang buhay ng isang katangi-tanging lingkod ng bayan. Ipinahayag ni Leila ang mga paglatag ng mga kontra asunto laban kay Gongdi sa tatlong asunto na isinampa ng gobyerno niya na naging dahilan upang makulong siya ng halos pitong taon.

Maliban sa sariling kasiyahan, walang napala si Gongdi sa kanyang pagpapakulong kay Leila. Pinatunayan lang niya ang kabaliwan at kapalpakan ng sariling pag-iisip. Walang napala ang sambayanan sa kanyang huwad na digmaan kontra droga. Maraming naloko si Gongdi na sa dakong huli ay pawang umamin na naloko nga sila ng tila bangag na pangulo na mula Davao City na nagpanggap na isasalba ang bansa sa panganib ng droga.

Maraming dapat gawin si Leila sa kanyang paglaya at pagbabalik sa pagiging manananggol ng bayan. Unang-una ang pagtutuwid sa mga kamalian ng administrasyong Duterte. Marapat na pangunahan ni Leila ang pagpapanagot sa mga sangkot sa madugo ngunit palpak na giyera kontra droga. Marapat managot si Gongdi at mga kasama tulad ni Bato dela Rosa, Bong Go, ang mga utusan niya mula sa Davao City, mga heneral at iba pang opisyal ng PNP, ang mga dating opisyal tulad ni Pretty Boy Calida at Wigman Aguirre, mga senador tulad ni Alan Peter Cayetano at Dick Gordon.

Hindi dapat palampasin ni Leila ang pagkakataon na dalhin sa hustisya ang mga nagkasala sa bayan at tiwali sa gobyerno. Nangunguna na si Gongdi na nagpahirap sa mga mamamayan. Alalahanin ang digmaan niya kontra droga ay huwad. Ito ay digmaan laban sa mga mahihirap. Nasabi ng isang kaibigan na ang digmaan kontra droga ni Gongdi ay digmaan sa mga taong marurumi ang paa. Silang mga nakasuot ng tsinelas at walang makain sa maghapon.

Marapat na pangunahan ni Leila ang mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs), o silang mga pinaslang batay sa hinalang sila ay mga adik or tulak ng iligal na droga. May katwiran na katawanin ni Leila ang mga pamilya sa sakdal na crimes against humanity na isinampa nila laban kay Gongdi at mga kasapakat sa International Criminal Court (ICC). Bago ang ICC sa atin kaya marapat lamang na isang bihasa ang magaling na manananggol ang kumakatawan sa mga pamilya ng mga biktima ng EJKs.

Hindi sobrang iaatang sa balikat ni Leila na hingin sa hukuman ang pagkamkam sa mga tago at hindi tagong kayamanan at ari-arian ng mga Duterte, lalo na si Gongdi, upang ibigay sa pamilya ng mga biktima ng EJKs. “Indemnity” – ito ang tawag sa ganyan sa Ingles. Bayad pinsala sa mga pamilya ng mga biktima. Panahon na upang bayaran ang mga pamilya ng bayad pinsala sa digmaan kontra droga ni Gongdi.

Hindi natin nalilimutan ang mungkahi na pangunahan ni Leila ang oposisyon. Hindi dapat ibigay kay Gongdi ang magpanggap na oposisyon siya. Maituturing na huwad sa dilang huwad si Gongdi. Wala siyang karapatan na angkinin ang siya ang kinatawan ng oposisyon. Wala silang ambag sa kabutihan ng bansa. Walang siyang ginawa kundi pumatay at magpayaman sa poder. Isinusuka siya ng bansa.

*   *   *

MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “A lie told a million times… will still be crushed by the truth.” – Sonny Trillanes

“This is the problem in Philippine electoral politics. This is the reason why political parties are inconsequential. There are a lot of “turncoats” who do not believe in party principles but only personal principles and more importantly self-interest.” – Erin Tanada, dating mambabatas, netizen

“Minamatyagan ko ang mga senador. Maliban kay Risa, walang nagbigay ng pahayag sa paglaya ni Leila de Lima. Si Bato nagsalita, pero kagaguhan ang sinabi. Hindi kasi sineseryoso iyon. Alam kasi na marami sa kanila na kasama sila sa pagpapakulong kay Leila. Kaya nanahimik na lang sila. Tahimik ngunit pipi.” – PL, netizen, kritiko.

“Manny Pacquiao was the senator who ousted then Sen. Leila de Lima as chair of the Senate Justice and Human Rights Committee by declaring it free. He has to issue a statement.” – Raissa Robles, netizen, mamamahayag

*   *   *

ISA kami na mga naniniwala na may nagaganap na himagsikan sa local governance at ang mga local government units(LGUs) at barangay ang nangunguna sa himagsikan. Matatanggap sana ang ganyan kung hindi nakikialam ang ibang LGUs sa kapangyarihan na wala sila. Kaya laking gulat namin ng pumasok ang LGU ng Cebu City at tanggalin ang mga hinirang na kasapi ng board Metro Cebu Water District (MCWD).

Walang poder ang LGU ng Cebu City na tanggalin ang mga hinirang na board member ng Local Water Utilities Administration (LWUA) sa MCWD. Walang karapatan ng pangunahan ni Cebu City Mayor Michael Rama na iluklok ang kanyang mga bata bilang bagong board member ng MCWD. Ano ang akala niya sa sarili niya? Mafioso? Ano ang akala niya sa MCWD? Mafia?

Isang bansa tayo na nangingibabaw ang batas. Naniniwala tayo at kumakapit sa rule of law at ang due process. Kung tapat sa tungkulin si Rama, marapat niya ang nakasulat sa batas ng bumuo sa LWUA. Hindi puede ang ugali niya naghahari-harian at gagawin ang gusto. Hindi puede na basta siya magbibida-bidahan.

*   *   *

HINDI sana namin susulatin ang balita tungkol sa pagsabon ni Bong Revilla sa isang opiisyal ng MMDA. Ngunit batid namin na pang-aabuso ito sa poder. Walang balitang matino tungkol kay Bong Revilla at hindi namin maatim na tawagin siyang senador. Hindi namin matanggap na sisikat siya sa kagaguhan ng kampo niya.

Tatalakayin namin ang isyu na isto sa susunod namin kolum. Basta hindi pa tapos ito. Sa ngayon, ang masasabi namin ay ibalik muna niya ang P124 milyon na hingi ng hukuman na isauli niya. Hanggang hindi niya ibinabalik na salapi, wala siyang karapatan ng magsalita sa ngalan ng sambayanan.

*   *   *

Email:bootsfra@yahoo.com

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment