Ni TONY MIÑANO MACALISANG
Nitong nakalipas na linggo ay nag isyu ang International Criminal Court (ICC) ng arrest warrant laban kay President Vladimir Putin ng bansang Russia dahil daw sa ginawa nitong krimen kaugnay sa pag-utos na pagsalakay sa bansang Ukraine kung saan ay maraming mamamayan nito ang nasawi at di mabilang na mga nasirang imprastraktura.
May suspetsa ang ICC na kinukuha ng mga sundalo ng Russia ang mga kabataan sa Ukraine at dinadala sa kanilang bansa. Ang giyera rin na sinimulan ng Russia ang dahilan na maraming mga mamamayan ng Ukraine ang nagsilikas at pumunta sa ibang lugar. Ito umano ay hindi makatarungan at krimen laban sa sangkatauhan at genocide. Pinabulaanan naman ng Russia ang nasabing paratang.
Sa kaugnay na balita ay may hakbang ang ICC na imbestigahan rin si dating President Rodrigo “Digong” Duterte tungkol sa “war on drugs” nito na marami ang naging biktima na karamihan ay mga kabataan.
Desidido talaga ang ICC na isalang sa kanilang korte si dating Pangulong Digong upang malinawan ang mga isyu sa likod ng kampanya nito sa war on drugs na umano’y maraming mga inosenteng kabataan ang nasawi at ang iba ay hindi na nakita.
Siempre hindi naman papayag ang mga kaalyado ni Duterte sa Senado sa balak ng ICC lalo pa yung mga senador na pinalad na makapwesto dahil na rin sa impluwensiya ni Digong.
Sigaw naman ng mga kamaganak ng mga naging biktima na dapat lang na maimbestigahan si Duterte. Kung wala siyang kasalanan bakit matatakot? Bakit labis ang pag-aalala ng mga kaalyado nito, may itinatago ba ang dating rehimen ni ex-President Duterte sa naging programa nito lalo na ang “Tokhang”?
Abangan na lang natin kung ano ang kalalabasan nito.
-o0o-
Panay ang panawagan ni Senator Robinhood Padilla para isulong ang “Cha-Cha” na isa sa prayoridad ni Digong sa nakalipas na administrasyon. Kaso hindi naman tumatalab ang kanyang kahilingan sa kanyang mga kapwa senador. Sa dami nga naman ng problema ng bansa ngayon katulad ng kahirapan kung ano-ano ang mga iniisip ni Robin.
Sagot ng mga kapwa senador… mag chacha kang mag-isa!
-o0o-
Kamakailan ay may nahuli na iligal na pag-angkat ng asukal. Mga walang legal na permiso sa importasyon ng asukal. At hindi lang ito basta-basta na maliit na halaga dahil umaabot ito sa libo-libong metrikong tolenada katulad ng nasabat sa Subic at Batangas na nasa 12,000 metric tons.
Ito yung gustong yumaman sa isang iglap. Sa murang halaga ang inangkat na asukal at hindi pa nagbayad ng buwis, tapos ibebenta sa mataas na presyo? Mga walang awa sa mga kapwa Pilipino. Kaso tunog banyagang singkit pala ang kanilang apelyido.
-o0o-
Maraming mga mayayaman ngayon na lalong yumayaman at yung mga mahihirap ay lalong naghihirap. Basta’t mga malalapit sa Malakanyang ay namamantikaan. Kontrolado nila ang ekonomiya ng Pilipinas, mula sa bigas, asukal, asin, sibuyas hanggang sa gasolina at langis pati na sa importasyon ng sasakyang jeepney at marami pang iba.
Yan ang sinasabing weder-weder lang.






Add Comment