Ni TONY MIÑANO MACALISANG
Sa aking tingin ay mahihirapan itong mga pro-democracy coalition na makumbinsi ang mga miyembro ng Kamara na aprubahan ang matagal nang panukalang batas na nagmumungkahing patawan ng parusa ang mga pulitikong “balimbing” o lumilipat ng partido bago mag eleksyon at pagkatapos ng halalan.
Ayon nga sa Participate, isang grupo ng non-partisan na kinabibilangan ng mga sectoral organization at ng grupo ng mga educators na kailangan umanong higpitan ang mga pulitiko na palipat-lipat ng partido upang maging maalwan sa mga botante ang pagpili ng kanilang mapupusuang kandidato at makatiyak ng tunay na karapat-dapat sa puwesto.
Sa ginawang pag-aaral ni Dr. Julio Teehankee, hepe ng PARTICIPATE, kanyang nalaman na 32 porsyento ng mga kongresista ang lumipat ng partido pagkatapos ng 1986 EDSA people power, na umano’y isa sa pinakamataas sa buong mundo.
Nagpapakita lamang na walang loyalty itong mga miyembro sa kamara sa kanilang sinalihang partido kung saan sila nanalo upang makaupo sa puwesto. Kung baga, sarili lang nila ang kanilang iniisip, at kailangan ang personal survival. Kasabihan nga na kung palubog na ang barko ay bakit hihintayin pang tuluyang lumubog at kasamang malunod? Yan ang tinatawag na “wais”.
Tingin ko nga, halos lahat yata na kandidato lalo na dito sa Romblon ay ganyan ang pananaw. Kung anong partido ang siyang nakaupo ay mabilis pa sa alas kuwarto ang paglipat ng partido. Parang paru-paro na palipat-lipat ng bulaklak. Hindi kuntento sa kinabilangang partido.
Sabi pa ni Teehankee, hindi na pagtakhan kung bakit mahina ang “party system” sa Pilipinas”. Tumpak diyan si Teehankee.
Palipat-lipat itong mga kandidato kasi maliwanag na ang habol ng mga ito ay pera. Lumilipat sila dahil mas makikinabang sila pag nasa ilalim ng namumunong partido. Pag malapit daw sa kusina mas maraming grasya ang kanilang matatanggap. Kailangan pa bang ememorize yan? Master na yan ng mga trapong pulitiko. Kaya nga maging mga opisyal ng barangay ay nahawa na rin. Nagiging balimbing na rin pagsapit ng halalan. Kahit sabihin pang non-partisan ay kasama rin sa pumipila sa mga namumunong pulitiko.
Isinulong pala itong batas sa Kamara noon pang 2002 ngunit inupuan na rin ito ng Senado.
Sa ngayon sa 19th Congress mayroong kahawig na panukalang batas na habulin yung mga “Balingbing” ito ang House Bill 488 na panukala ni Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo at HB 6086 na isinulong ni Rufus Rodriguez.
Sa kasalukuyan daw marami ang miyembro ng Lakas-CMD sa kongreso na kinabibilangan ni Deputy Speaker Arroyo at maaring ito ang dahilan na inihain nito ang batas sa kamara upang mapigilan ang pagkabilang bakod ng kanyang kapartido sa panahon ng eleksyon, ayon kay Teehankee.
Nasa 68 na kongresista ang miyembro ng Lakas-CMD sa ngayon at ang kanilang pangulo ay si House Speaker Martin Romualdez habang chairperson emeritus naman si Arroyo.
May kilala ba kayong pulitiko na palipat-lipat ng partido tuwing eleksyon? Karapat-dapat pa bang iluklok ang ganitong klaseng tao pagdating ng ehalalan? Ito ang pulitiko na tinatawag na “Balimbing”.






Add Comment