Ni ERNESTO FIRMALO ANG II
Matatagpuan sa Archivo General de Indias sa Sevilla, España ang isang aklat na may mahabang pamagat (Descripciones con planos y figuras de la capital de Manila, puerto de Cavite, fuerzas de los presidios y otras fortificaciones en todo el distrito de las provincias que sugeta el real dominio en las Yslas Filipinas…) at dito makikita ang isang magandang pigura ng simbahan ng Romblon at ang pader nito malapit sa dalampasigan na nagsisilbing proteksyon ng bayan sa mga pirata noong 1753.
Kung ikukumpara natin ngayon ay hindi na ito pareho sa Katedral ni San Jose sa bayan ng Romblon, Romblon.
Ang isang posibilidad kung bakit ito ay iba na ay makikita sa isang artikulo ni Antoon Postma (isang Dutch Anthropologist) na may pamagat na Notes on the History of Sibali na isinulat noong buhay pa siya noong 2001. Ayon sa kanya, noong May 22, 1754, sinalakay ng mga pirata ang bayan ng Romblon. Hindi sila nagtagumpay dahil naging matibay ang depensa ng mga Romblomanon sa may entrada ng moog. Naging epektibo ang proteksyon ng pader sa bayan. Walang nagawa ang mga pirata kundi umatras na lang at umalis.
Subalit bumalik uli ang mga pirata noong May 25, 1754 at sa pagbabalik nito ay mas marami pa sila at meron silang isang plano. Dumaong sila sa Hilaga ng isla ng Romblon at naglakad by land at umakyat ng bundok papunta sa bayan. Dito nila sinalakay ang bayan ng Romblon nang hindi inaasahan ng mga bantay. Sinunog nila ang simbahan, kumbento at ang baluarte. Ninakaw pa nila ang mga sagradong ornamento sa simbahan at binihag nila ang ilang mga taga Romblon.
Ang pagkasunog ng simbahan noong May 1754 ang isang posibleng dahilan kung bakit naiiba ang simbahan noong 1753 kumpara sa ngayon. Ayon kay Antoon Postma, matatagpuan ang mga dokumento na naglalarawan sa pangyayaring ito sa Archivo de la Nación sa Mexico (Filipinas, legajo 3, Folios 257-280).
Ang kahinaan ng mala-intramuros na pader ng Romblon ay nadiskubre din ng mga pirata sa nangyari noong May 1754.






Add Comment