AYON SA SURVEY NG SWS, 7% NA LANG NG MGA PILIPINO ANG NAGSASABING SARILI NILANG PRODUKSYON ANG KANILANG KINAKAIN

Ni NICASIO “JUN” FIEDACAN

Nakakabahala ang mga ganitong pahayag na iilan na lang ang mga nagtatanim ng mga halaman, gulay, prutas, palay sa kanilang sariling lupa o bakuran para sa kanilang sariling pagkain.

Ano na ang nangyayari sa pamilyang Pilipino? Dati naman masisipag magtanim ang mga pamilya lalo na sa bukid ng mga gulay. Pero ngayon kakaunti na lang ang nagtatanim at bumibili na lang sa palengke.

Ito ang resulta ng mga cash assistance ng gobiyerno. Kung matatatandaan natin, nagpasa ng batas ang Pamahalaan na bigyan ng ayuda ang mga mahihirap na pamilyang Pilipino. Lalo na yong may mga batang nag aaral para magamit na gastusin sa pagkain, gamit sa eskuwelahan at maging sa pamasahe at baon. Kaya ang ayudang 4Ps (PANTAWID NG PAMILYANG PILIPINO PROGRAM) ay ibig sabihin gastusin yan ng mga bata habang nag aaral sila. Subalit may mga nababalitaan tayo na itong mga natatanggap na pera ay iniinom at isinusugal ng ibang mga magulang. May nabalitaan tayo na hindi na rin naghahanapbuhay ang mga magulang at umaasa na lang sa 4Ps.

Ito ang isang dahilan kung bakit mahirap maghanap ng mga manggagawa sa mga bukid. Ayaw ng mag-araro ng ibang mga Tatay. Ibinenta na ang kalabaw at bumili na lang ng motorsiklo. Wala na ring nakukuhang nagbubunot ng punla sa tubigan at wala ng makuhang magtatanim. Kaya napipilitan na lang na sabog tanim ang mga palayan na mahina naman ang ani. Hindi na rin nagtatanim ng mga gulay ang maraming pamilya, kahit sa likod bahay at katwiran nila ay may pangbili naman. Di sa palengke na bumili ng gulay. Ito ang dahilan kung bakit mahal ang mga gulay kahit panahon ng tig gulay ngayon. Nagiging dahilan ito na hindi masanay ang mga bata na kumain ng gulay dahil paminsan minsan lang naman namamalengke. Kaya kulang sila sa sustansiya.

Nawala na iyong katangian ng pagiging masinop at masipag na pamilyang Pilipino. At dahil nakikita sa mga magulang na hindi na nagtatanim ng halaman sa mga bukid ay lalaki na din ang mga bata na hindi marunong magtanim kahit kangkong at kamote sa mga paso. Kasi ang mga bata, ginagaya lang niyan ang ginagawa ng mga magulang habang sila ay maliliit pa. Lalo na ngayon na mahina na o wala na ang extra curricular activity na elementary agriculture or school gardening sa mga elementary at high school. Lalong tamad na magtanim ang mga lumalaking mga bata. At lalabas na wala na silang alam sa pagtatanim ng palay na pangunahing pagkain sa hapag kainan.

At dahil dyan ay lalong dadami ang magiging tiwangwang na lupa at mga palayan. Habang dumadami ang populasyon ng mga Pilipino ay bumababa naman ang produksyon ng mga pagkain. Kaya lalong tataas ang mga importasyon ng ating pangunahing mga produkto na magiging dahilan ng pagtaas ng presyo na baka hindi makayanan na ng mga mahihirap nating mga kababayan. Malaki at maraming problema ang kinakaharap ng bansa natin. Tapos pag babago ng konstitusyon ang tanging nakikitang solusyon ng ating mga bupol na mga mambabatas? Nasaan kasi ang Secretary of Agriculture?

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment