Lalaki pinagtataga ng kainuman sa Alcantara, Romblon, patay

ALCANTARA, Romblon – Agad na binawian ng buhay ang isang lalaki matapos itong pagtatagain ng kanyang nakasagutan na kainuman dakong 12:15 ng hapon ng Miyerkules, Oktubre 29, sa Barangay Camili, Alcantara, Romblon.

Kinilala ang biktima na si alyas Gerry, 37 taong gulang, binata, walang trabaho, habang ang suspek ay 36 gulang na caretaker ng piggery, may kinakasama at kapwa residente ng nasabing barangay.

Ayon sa imbestigasyon ng Alcantara Municipal Police Station (AMPS), ang biktima at ang suspek kasama ang tatlo pa nilang kaibigan ay nagkainuman sa bahay ng suspek.

Habang nag-iinuman ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng suspek kung saan ay tinaga umano ng suspek ang biktima gamit ang isang gulok na sinangga naman umano ng suspek ng kanyang kamay.

Agad na lumabas ng bahay ang biktima at tumakbo papunta sa palayan hanggang sa makalayo ng 70 metros na distansya sa bahay ng suspek.

Ngunit sinundan pa rin umano ito ng suspek at nang maabutan ay muling inundayan ng taga at saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Nagtamo ng mga sugat sa magkabilang kamay ang biktima. May tama rin ito ng taga sa kanyang kanang leeg, at mukha at dalawang malalim na saksak sa likod.

Tumakas umano ang suspek pagkatapos ng insidente sa hindi batid na direksyon.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang Alcantara MPS na nagresulta sa pagkahuli sa suspek sa Barangay San Isidro, Alcantara, Romblon.

Narekober din ng mga tauhan ng Alcantara MPS ang ginamit na armas ng suspek na gulok na may haba na 27 pulgada.

Dineklarang dead on arrival (DOA) ang biktima ng sumuring doktor ng Alcantara Rural Health Unit.

Kasong Murder ang inihahandang isampa ng Alcantra MPS sa Provincial Prosecutor’s Office sa Odiongan, Romblon, laban sa suspek. (AMM)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment