Estudyante nahulog sa bangin sa Odiongan, Romblon, nasawi

ODIONGAN, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang lalaking estudyante na natagpuan na nakalutang sa dagat matapos umanong mahulog sa bangin dakong 3:30 kaninang umaga, Oktubre 26, sa isang dinadayong pasyalan sa Barangay Budiong, Odiongan, Romblon.

Ang biktima ay nakilala na si alyas “John” binata, estudyante at residente ng Barangay Limon Norte, Looc, Romblon.

Base sa ulat, kaninang 2:00 ng madaling araw ay niyaya umano ng biktima ang kanyang kaibigan at kabarangay na si alyas “Mart” na kumain ng lugaw sa Odiongan, Romblon.

Sinamahan naman umano ang biktima ng kanyang kaibigan at ito na mismo ang nagmaneho ng  motorsiklo papunta sa bayan ng Odiongan.

Ayon sa kaibigan ng biktima, ka chat umano ni “John” ang kakilala nilang opisyal na Sk ng isang barangay sa Odiongan at inimbita niya ito na magkita at mag-inom.

Pagkatapos umano nilang kumain ng lugaw ay dumating ang kanilang kaibigan at nagyayaan na pumunta sa kilalang pasyalan sa Barangay Budiong, Odiongan, Romblon upang mag-inuman.

Habang nasa nasabing lugar ay napansin umano ng kaibigan ng biktima at ng kasamang SK opisyal na lasing na umano ang biktima at pinayuhan nila ito na huwag nang uminom.

Pagkaraan ng ilang sandali, ay tumayo umano ang biktima na nagsabi na siya ay nasusuka kung saan ay inalalayan ito ng kanyang kaibigan.

Ayon kay “Mart”, pagkatapos ng ilang minuto, habang nagsusuka ang biktima ay tumalikod umano siya, ngunit nang siya ay lumingon ay hindi na nito nakita ang biktima.

Hinanap umano ni “Mart” ang kaibigan at nakita niya ang tsinelas nito malapit sa sirang bakod sa bandang gilid ng mataas na bangin na nakaharap sa dagat, na may lalim na humigit kumulang sa 60 talampakan.

Lalong nag-alala si “Mart” dahil hindi makita ang kaibigan,kaya’t sinabihan nito ang kasamahan na nawawala umano ang biktima.

Bumaba umano si “Mart” at pumunta sa dalampasigan at kanyang nakita ang biktima na walang malay na nakalutang sa dagat.

Humingi rin umano ng tulong ang kasama nilang opisyal na Sk sa mga residente na agad namang tumulong sa kanila.

Dumating din sa lugar ang nagrespondeng mga tauhan ng MDRRMO Odiongan, BFP Odiongan, at Odiongan MPS at kanilang pinagtulungan na madala sa itaas ang biktima at agad na isinugod sa Romblon Provincial Hospital.

Sa kasawiang palad, dineklara ng sumuring doktor na “dead on arrival” ang biktima pagkatapos ng ilang pagsisikap na marevive ang estudyante.

Base sa pagsusuri sa katawan ng biktima, ay nakita ang sugat nito sa ulo na sanhi ng pagtama sa bato pagkatapos nitong mahulog sa mataas na bangin. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment