1 BABAE AT DALAWANG LALAKI TIMBOG SA BUY-BUST OPERATION NG ILEGAL NA DROGA SA SAN AGUSTIN, ROMBLON

SAN AGUSTIN, Romblon – Diretso sa kulungan ang mag live-in partner at isa pang lalaki matapos masakote sa ikinasang buy-bust operation kontra ilegal na droga kahapon ng 9:45 ng gabi, Agosto 3, sa Sitio Kuli-Kuli (Nor Zone), Barangay Poblacion, San Agustin, Romblon.

Ang nadakip na mga suspek ay ang mag live-in partner na sina alyas “Tom” at “Rose” at si alyas “Mike” na pawang residente ng nasabing lugar.

Base sa ulat, isang buy-bust operation laban sa ilegal na droga ang ikinasa ng pinagsamang tauhan ng PDEA Romblon PO, San Agustin Municipal Police Station at PDEA -Romblon na nagresulta sa pagkahuli sa nasabing mga suspek.

Isang pulis ang umaktong poseur buyer ang nakipagtransaksyon sa mga suspek at nakabili sa mga ito ng isang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalang “shabu” kapalit ng isang libong piso (P1,000.00) na marked money.

Narekober sa posesyon ng mga suspek ang lima (5) pang piraso na heat-sealed transparent plastic sachet, pera na ginamit sa buy-bust operation, mga aluminun foil strips, mga lighter, isang sling bag at iba pang drug paraphernalia.

Pinagdududahan na ginagamit umanong “drug den” ng mga suspek ang kanilang bahay base na rin sa narekober na mga ebendensya sa nasabing tirahan.

Ang pag-imbentaryo, pagmarka, pagkuha ng mga litrato at ebidensya ay isinagawa sa harap ng mga suspek na  sinaksihan ng mga opisyal ng Barangay Poblacion, San Agustin, Romblon at kinatawan mula sa media.

Ang mga suspek ay isinailalim sa kustodiya ng San Agustin MPS.

Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang nasabing mga suspek. (AMM)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment