ODIONGAN, Romblon – Sugatan na dinala sa ospital ang drayber at dalawang pahinante ng 10 wheeler na truck na tumagilid matapos na magkaaberya kaninang pasado alas nuwebe ng umaga, Agosto 1, 2025, sa National Road ng Barangay Progreso Este, Odiongan, Romblon.
Kinilala ang drayber na si Darwin Catajay nasa hustong gulang, residente ng Barangay Long Beach, San Agustin, Romblon at dalawang kasama nitong helper na sina Omar Riva, 29, helper at Abraham Rabalo, 29, binata at pawang residente ng Barangay Poblacion, San Agustin, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, ang mga biktima ay sakay ng 10 wheeler truck na pag-aari ng Harold Trucking ng San Agustin, na minamaneho ni Catajay, at kasama ang dalawang pahinante na sina Omar at Abrahan ay binabaybay ng mga ito ang National Road ng Barangay Progreso Este, Odiongan, Romblon mula sa Barangay Rizal, Odiongan, Romblon papunta sa direksyon ng bayan ng Looc, Romblon.
Pagdating sa lugar ng insidente sa harap ng bahay ng pamilya Teologo ay pumalya umano ang preno ng trak at dahilan para mawalan ng kontrol sa sasakyan ang drayber.
Para makaiwas sa mga kasalubong na sasakyan ay kinabig umano nito ang manibela ng truck na dahil sa bigat at puno ng mga pangarga ay aksidenteng tumagilid.
Dahil sa pangyayari ay nagtamo ng malubhang pinsala sa kanyang paa ang drayber habang ang dalawa niyang kasama ay sugatan naman sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Dinala ang mga biktima ng mga nagrespondeng tauhan ng MDRRMO Odiongan sa Romblon Provincial Hospital para malapatan ng atensyong medikal.
Kaagad namang inaksyunan ng kinaukulan ang nasabing aksidente. (RSun Staff)






Add Comment