LOOC, Romblon – Nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 ang 17 katao na dinakip ng kapulisan matapos na maaktuhan sa umano’y pustahan sa larong billiard sa Sitio Along da Road, Barangay Punta, Looc, Romblon dakong 11:00 ng gabi, Hulyo 11, taong kasalukuyan.
Kabilang sa mga hinuli ang siyam (9) na lalaki na taga Looc na residente ng Barangay Tuguis, Barangay Punta, Barangay Poblacion, Looc, Romblon na ang isang ay senior citizen at retiradong empleyado ng gobyerno at walo naman ang nagmula sa bayan ng Odiongan na residente ng Barangay Liwayway, Barangay Taboboan, Barangay Mayha, BarangayTuburan at isang menor de edad na taga Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon.
Ayon sa Looc Municipal Police Station (LMPS), nakatanggap umano sila ng impormasyon mula sa Barangay Intelligence Network (BIN) na mayroong nagaganap na ilegal na sugal (Billiard Gambling) sa Sitio Along da Road, Barangay Punta, Looc, Romblon.
Pagkatanggap ng impormasyon ay agad na umaksyon ang mga tauhan ng Looc MPS sa pamumuno ni PMAJ John Anthony Angio ay pinuntahan ang nasabing lugar.
Naaktuhan ng mga awtoridad ang mga suspek sa kasagsagan ng paglalaro ng billiard na umano’y mayroong pustahan ang magkabilang panig at inaresto ang mga suspek na naroon sa lugar.
Narekober sa kontrol at posisyon ng mga suspek ang pera na umano’y ginamit sa pustahan na may kabuuang halaga na P32,566.00.
Kasama rin sa inimbentaryo bilang ebidensya ang isang set ng billiard ball (16 pcs.), cue sticks at lamesa ng billiard.
Ang pagkumpiska ng mga ebidensya ay isinagawa sa harap ng mga suspek na sinaksihan ni Hon. Edifecio Gabat, Barangay Captain ng Barangay Punta, Looc, Romblon.
Isinailalim sa kustodiya ng Looc MPS ang mga suspek para sa kaukulang imbestigasyon at dokumentasyon.
Kasong paglabag sa P.D. 1602 ang inihahanda ng Looc MPS na isampa sa Provincial Prosecutor’s Office, Odiongan, Romblon laban sa mga suspek. (RSun Staff)






Add Comment