ODIONGAN, Romblon – “Walang inutang ang bayan ng Odiongan, kahit piso,” ito ang pahayag na sagot ni Mayor Trina Firmalo Fabic ng Odiongan sa pinapakalat na post sa social media partikular sa Padayon Romblon facebook group.
Ayon kay Mayor Fabic, may mga desperadong tao umano na nagtatago sa mga fake account na ang layunin ay manira sa pamamagitan ng pagpapakalat ng fake news at isa na rito ang umano’y umutang ang munisipyo ng Odiongan ng halagang P150 o P300 Milyon.
Pinabulaanan ni Mayor Trina ang nasabing alegasyon na may utang ang bayan ng Odiongan.
“Hindi na tayo nag avail ng loan program kahit na malaki ang barrowing capacity ng ating LGU”, ayon kay Mayor Fabic.
Aniya pa, sa masugid nilang pakipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno at paglapit sa mga senador at sa mga partylist ay nakalikom ng pondo ang Lokal na Pamahalaang Bayan ng Odiongan para masimulan ang pagpapatayo ng gusali ng munisipyo.
“Dahil sa masigasig nating pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensya, mga senador, at mga partylist na walang sawang sumuporta sa pag-unlad ng Odiongan, ay natugunan natin ang preliminary funding requirements at patuloy ang construction ng ating Municipal Government Center – walang inutang na kahit piso!”, ayon pa kay Mayor Trina.
Bilang patunay, ipinakita ni Mayor Fabic ang solidong ebidensya na isang sertipikasyon mula sa Local Finance Committee na nagsasabing walang utang ang bayan ng Odiongan sa alin mang lokal o foreign financial institutions.
Nagpalabas din ng kanilang opisyal na pahayag ang Landbank of the Philippines (LBP) na nagpapatunay na walang outstanding loan ang munisipyo ng Odiongan.
Aniya pa ni Mayor Trina, maganda umano ang financial standing ng bayan ng Odiongan. Huwag basta maniwala sa ikinakalat na mga fake news ng mga fake accounts.
“Huwag po tayong magpalinlang sa mga fake accounts. Labanan po natin ito. Let’s stand for the truth. Hindi ganitong klase ng pamumulitika ang kailangan ng probinsya”, dagdag pa ni Mayor Trina.
Ang payo ni Mayor Fabic sa mga nagpapakalat ng pekeng balita ay itaas ang antas ng kanilang pamumulitika. Pag-usapan ang mga programa, mga accomplishment at plataporma.
“It’s time to choose principle over propaganda,” pangwakas na pahayag ni Mayor Trina.
(Tony Miñano Macalisang)







Add Comment