ODIONGAN, Romblon – Sugatan sa bandang puwetan na dinala sa ospital ang isang binata na sinaksak ng kanyang nakasuntukan dakong madaling araw ng Disyembre 5, 2024 sa Barangay Tabing Dagat, Odiongan, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na si alyas “Boy” isang 21 taong gulang na binata at residente ng Barangay Tabing Dagat, Odiongan, Romblon, habang ang suspek ay 19 na taong gulang na estudyante, may kinakasama, at nakatira sa Barangay Progreso Este, Odiongan, Romblon.
Base sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), ang biktima at ang kanyang mga kaibigan ay nagkakatuwaan sa loob ng Children’s Paradise Park nang dumating ang grupo ng suspek.
Isa sa kasamahan ng suspek ang sumigaw umano ng “Suntukan” na nagsimula ng tensyon.
Kinumpronta ng biktima ang isa sa kasamahan ng suspek at tinanong ng, “Asi tol?” (Bakit tol?).
At bago magkalinawan, ay sinuntok umano ng suspek ang biktima at nagsimula ang suntukan.
Inawat umano ng naroong mga istambay ang kaguluhan. Ngunit bigla umanong bumunot ng patalim ang suspek at hinabol ang biktima.
Nadapa ang biktima at naabutan ito ng suspek at sinaksak sa ibabang bahagi malapit sa puwitan.
Nagawa namang madisarmahan ng isa sa kaibigan ng biktima ang suspek na tumakas palayo sa naturang lugar.
Agad namang dinala ang biktima sa Romblon Provincial Hospital para mabigyan ng agarang medikal na atenyon.
Samantala, narekober ng nagrespondeng mga tauhan ng Odiongan MPS ang ginamit na patalim ng suspek.
Ikinasa ng kapulisan ang isang hot pursuit operation para sa ikakaaresto ng nasabing suspek.
Kasong Frustrated Homicide ang inihahandang isampa ng Odiongan MPS sa Provincial Prosecutor’s Office, Odiongan, Romblon laban sa suspek. (RSun Staff)







Add Comment