ODIONGAN, Romblon – Kapwa dinala sa ospital ang dalawang rider na sangkot sa aksidente ng motorsiklo nitong hapon ng nakalipas na araw ng Miyerkulas sa Barangay Panique, Odiongan, Romblon.
Kinilala ang mga ito na sina Randy Fodra Fereira, 50 taong gulang, may-asawa, driver at si Leonard Victorino Gallos, 43 anyos, may-asawa, security guard, at parehong residente ng Barangay Libertad, Odiongan, Romblon.
Ayon sa Odiongan Municipal Police Station (OMPS), sakay ng kanyang motorsiklo na Yamaha Sniper 135 si Fereira na binabaybay ang national road ng Barangay Panique, Odiongan, Romblon papunta sa direksyon ng San Andres, Romblon habang si Gallos naman ay sakay rin ng kanyang Honda HRM 125 na motorsiklo na binabaybay rin ang kaparehong direksyon.
Pagdating sa lugar ng insidente sa harapan ng bahay ng pamilya Evangelio ay nagmenor si Fereira upang lumiko pakaliwa, ngunit dahil sa mabilis na pagpapatakbo ng motorsiklo na minamaneho ni Gallos ay aksidente nitong nahagip ang kaliwang hulihang bahagi ng motorsiklo ni Fereira at dahilan para madisgrasya ang dalawang motorista.
Nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang dalawa na dinala sa Romblon Provincial Hospital para sa kaukulang lunas.
Samantala ang mga sangkot na sasakyan na nagtamo ng hindi pa batid na halaga ng pinsala ay dinala sa Odiongan MPS para sa kaukulang kustodiya at disposisyon. (RSun Staff)







Add Comment