ODIONGAN, Romblon – Hindi na nakapalag ang isang lalaking vendor matapos itong arestuhin sa ikinasang buy-bust operation ng kapulisan kaninang 4:40 ng hapon, Agosto 6, 2024 sa Sitio Torrel, Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.
Ang suspek ay nakilala na si Rudy Dela Cruz Falible, 35 taong gulang, binata, vendor at residente ng Odiongan, Romblon.
Sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), nagsagawa umano ng buy-bust operation ang Municipal Drug Enforcement Unit (MDEU) ng Odiongan MPS (lead unit) katuwang ang PDEA-Romblon, Romblon Provincial Mobile Force Company, at Romblon PDEU/PIU sa koordinasyon ng PDEA-MIMAROPA kung saan ay nagresulta sa pagkahuli sa nasabing suspek.
Ayon sa Odiongan MPS, isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer ang personal na nakabili sa suspek ng isang plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu kapalit ang halagang isang libong Piso (P1,000.00).
Pagkatapos ng transaksyon ay agad na dinakip ng mga awtoridad ang suspek.
Nakumpiska sa posesyon ng suspek ang isa pang plastic sachet na may laman na pinaghihinalaang shabu, mga perang papel, lighter at biseklita.
Ang pagkuha ng mga litrato at pagmarka ay isinagawa sa naturang lugar ng operasyon sa harap ng suspek kasama ang mga saksi na kinabibilangan ng opisyal ng barangay, kinatawan ng korte at representante ng media.
Ang hinuling suspek at ang nakumpiskang ebindensiya na ilegal na droga ay dinala sa Romblon Provincial Crime Laboratory sa Odiongan, Romblon para sa kaukulang pagsusuri.
Kasong paglabag sa Section 5 and 11 Article II of RA 9165 (The Comprehensive dangerous Drugs Act of 2002) ang inihahanda ng Odiongan MPS na isampa sa Piskalya laban sa suspek. (RSun Staff)








Add Comment