ODIONGAN, Romblon – Nagtamo ng saksak sa dibdib ang isang lalaki matapos sugurin ng kanyang bayaw at pamangkin sa kanilang bahay nitong Linggo ng gabi, sa Barangay Progreso Weste, Odiongan, Romblon.
Ang biktima ay kinilala na si Rodolfo Mosico Ganan, 41 taong gulang, may-asawa, laborer, habang ang suspek ay napag-alaman na sina Reyban Salazar Ferranco, 45, may-asawa, magsasaka at Reco Ganan Ferranco, 21, walang trabaho, binata at pawang mga residente ng Barangay Progreso Weste, Odiongan, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), habang karga-karga umano ng biktima ang kanyang apo sa loob ng kanilang bahay ay narinig niya ang sigaw ng kanyang bayaw na si Reyban na naghahamon ng suntukan.
Lumabas umano ng kanyang bahay ang biktima ngunit agad itong bumalik at kumuha ng gulok pagkakita nitong armado ng mga patalim ang mga suspek.
Muling lumabas ng bahay ang biktima na may hawak nang gulok. Sa kanyang paglabas ay bigla siyang tinaga ni Reyban na kanyang naiwasan. Sa nakitang panganib sa kanyang buhay ay gumanti ang biktima at tinaga rin nito ang suspek (Reyban) na tinamaan sa kaliwang bahagi ng kamay.
Nang makita ng suspek na si Reco na may tama ang kanyang ama ay agad rin nitong sinaksak ang biktima na tinamaan sa kanang bahagi ng dibdib.
Pagkatapos ng insidente, ang biktima at ang sugatang suspek na si Reyban ay isinugod sa Romblon Provincial Hospital (RPH) habang ang suspek na si Reco ay inaresto ng mga nagrespondeng tauhan ng Odiongan MPS.
Kasong Frustrated Murder at Attempted Murder ang inihahandang isampa ng Odiongan MPS laban sa mga suspek sa Provincial Prosecutor’s Office sa Odiongan, Romblon. (RSun Staff)






Add Comment