San Fernando, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang lalaking caretaker na nagbitin sa puno ng avocado nitong umaga ng Linggo, Hunyo 9, sa tabi ng bundok ng Sitio Ilaya, Barangay Panangcalan, San Fernando, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na si alyas “Julian”, 37 taong gulang, may kinakasama, caretaker at residente ng nasabing lugar.
Sa imbestigasyon ng San Fernando Municipal Police Station (SFMPS), bago nangyari ang nasabing insidente, dakong 8:00 ng umaga, ang biktima at ang kanyang kinakasama na si “Juvie” ay nag-usap sa kanilang bahay kung saan sinabi umano ng biktima sa babae na, “Patawaron mo ako Day”, at agad na umalis.
Pagkalipas ng tatlong (3) oras, isang nagngangalan na Ricky Mesa ang tumawag sa mga kamag-anak ng biktimang si “Julian” at sinabi nito na nakita niya ang biktima na nakabitin na may nakapulupot na lubid sa leeg at nakatali sa puno ng avocado, hindi kalayuan sa bahay ng biktima.
Agad namang pinuntahan ng mga kamag-anak ang biktima at pinutol ang nakapulupot na lubid sa leeg nito at dinala sa Rural Health Center ng San Fernando, Romblon, ngunit idineklara itong Dead on Arrival ng sumuri na manggagamot.
Sa dagdag na imbestigasyon, may pangyayari na umanong nagtangka na ring magpakamatay ang biktima nitong nakalipas na gabi ng Abril 20, 2024 ngunit ito ay napigilan ng kanyang kinakasama.
Sa ginawang pagsiyasat sa katawan ng biktima, ay wala namang nakitang foul play ang mga awtoridad maliban sa marka nito sa leeg sanhi ng pagkatali ng lubid. (RSun Staff)






Add Comment