CAJIDIOCAN, Romblon – Wala nang buhay pagdating sa ospital ang isang mangingisda na nalunod dakong hapon ng Biyernes sa Barangay Cantagda, Cajidiocan, Romblon.
Ang biktima ay kinilala ng Cajidiocan Municipal Police Station na si Dino Relox Fernandez, 37 anyos, binata, mangingisda at residente ng nasabing barangay.
Sa ulat ng Cajidiocan MPS, ang biktima kasama si Vincent Rapada na kabarangay ng biktima ay pumalaot para mangisda gamit ang pana (speargun).
Habang nangingisda ay napahiwalay umano ang biktima kay Rapada dahil sa malakas na agos ng dagat.
Pagkaraan ng dalawang oras na pangingisda, ay nagdesisyon si Rapada na umuwi na. Hinanap nito si Fernandez (biktima) ngunit hindi niya ito nakita.
Pagkatapos na masusing paghahanap ay natagpuan nito ang biktima na walang malay na nakalutang sa dagat ilang metro ang layo sa kanyang kinaroroonan.
Dinala nito ang biktima sa dalampasigan at humingi ng tulong sa mga lokal na residente at sa mga opisyal ng barangay.
Sinubukan nilang bigyan ng “first aid” ang biktima ngunit walang nangyari kaya’t agad nila itong dinala sa Sibuyan District Hospital kung saan ay dineklara itong dead on arrival (DOA) ni Dr. Oliver Fetalvero.
Sa pagsusuri ay napag-alaman na ang sanhi ng pagkamatay ng biktima ay sa “asphyxiation” dahil sa pagkalunod.
Wala namang nakitang foul play sa katawan ng biktima. Pinaniniwalaan na inabot ito pulikat habang lumalangoy at nawalan ng balanse at kung saan ay nakainom ito ng tubig dagat at dahilan para malunod ang biktima. (RSun Staff)






Add Comment