ODIONGAN, Romblon – Walang malay na isinugod sa ospital ang isang lalaki matapos itong matumba at mawalan ng ulirat habang tumatakas sa humahabol na nakaalitang kapatid na may dalang gulok dakong umaga nitong nakalipas na araw, sa Sitio Timbaon, Barangay Tulay, Odiongan, Romblon.
Ang biktima ay kinilala na si Arman Oriendo Dulce, 49 anyos, may-asawa, magsasaka habang ang suspek ay nakilala na si Arnie Oriendo Dulce, 59, may kinakasama, magsasaka at parehong residente ng nasabing barangay.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), ang biktima (Arman) na umano’y magbabayad sa PSA Philippines Incorporated ay nakasalubong ang suspek na kanyang nakakatandang kapatid na si Arnie kung saan ay nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo.
Dumampot umano ng bato ang suspek at ibinato sa biktima ngunit naiwasan naman ito ng biktima na tumakbo palayo sa suspek.
Pagkaraan ay kumuha ng gulok si Arnie (suspek) at hinabol ang nakababatang kapatid na si Arman. Habang naghahabulan ang magkapatid ay bigla na lang natumba ang biktima sa kalsada at nawalan ng malay tao.
Dinala ng nakababata nilang kapatid na babae na umaawat sa dalawa ang nawalan ng malay na biktima sa Isiah Hospital and Medical Center sa Barangay Tulay, Odiongan, Romblon, para sa atensyong medikal ngunit idineklara itong dead on arrival (DOA) ng sumuring doktor. Inatake umano sa puso ang biktima.
Boluntaryo namang sumuko sa Odiongan MPS ang suspek na si Arnie.
Kasong Homicide na inihahandang isampa ng Odiongan MPS laban sa suspek sa Provincial Prosecutor’s Office sa Odiongan, Romblon. (RSun Staff)






Add Comment