Empleyado ng DepEd, nalunod sa swimming pool sa kabesira ng Romblon

ROMBLON, Romblon – Binawian ng buhay sa ospital ang isang binatang kawani ng Department of Education na nalunod sa swimming pool dakong 2:30 ng hapon kahapon, Hunyo 2, sa Lamao Beach Resort, Barangay Lamao, Romblon, Romblon.

 Ang biktima na nakilala na si Jerricl Vitto Fruelda, 39, binata, empelyado ng DepEd at residente ng Barangay Lamao, Romblon, Romblon.

 Ayon sa ulat ng Romblon Municipal Police Station, ang biktima at ang kanyang kaibigan na si Neilbert Magada ay pauwi na ng kanilang bahay mula sa isang inuman. Noong dumaan sila sa harap ng Lamao Beach Resort ay napagpasiyahan nilang pumasok sa nasabing resort upang maligo sa swimming pool.

 Pumunta ang kaibigan ng biktima na si Magada sa katiwala ng nasabing resort upang magbayad ng entrance fee.

 Habang kausap ni Magada ang pool attendant ay lumundag umano ang biktima sa malalim na bahagi ng swimming pool.

Ilang sandali pa ang nakalipas ay napansin nila ang biktima na nasa ilalim pa ng tubig.

 Agad namang inutusan ng pool attendant ang kanyang kasama na si Julian Malacapo na iahon ang katawan ng biktima mula sa ilalim ng tubig saka binigyan ng “first aid” at isinugod sa Romblon District Hospital (RDH).

 Pagdating sa RDH ay agad itong binigyan ng kaukulang lunas ngunit dakong 4:45 ng hapon ay binawian ito ng buhay.

 Wala namang nakitang foul play ang sumuri na manggagamot sa biktima, kaya’t hindi na pinaawtopsiya ng mga kamag-anak ang katawan ng biktima. (RSun Staff)

  

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment