Lalaki tinaga sa leeg at kamay ng nakainuman sa Odiongan, Romblon

ODIONGAN, Romblon – Sugatan sa leeg at kamay ang isang binata matapos itong tagain ng nakasagutan na kainuman kahapon ng 11:30 ng gabi sa Sitio Aurora, Barangay Pato-o, Odiongan, Romblon.

Kinilala ng Odiongan Municipal Police Station ang biktima na si Renante Soriano Guevara, 23, binata habang ang suspek ay nakilala na si Rannie Fesarit Marcelo, nasa hustong gulang, binata at kapwa residente ng Barangay Pato-o, Odiongan, Romblon.

Ayon sa imbestigasyon ng Odiongan MPS, habang nag-iinuman ang biktima at ang suspek ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa kung saan ay kinuha ng suspek ang kanyang gulok at dalawang beses na tinaga ang biktima na tinamaan sa leeg at kamay.

Agad na isinugod ang biktima sa Romblon Provincial Hospital ng mga nagrespondeng opisyal ng barangay habang tumakas naman ang suspek sa hindi batid na direksyon.

Ikinasa naman ng mga tauhan ng Odiongan MPS ang hot pursuit operation para sa ikakaaresto ng suspek.

Kasong Frustrated Homicide ang inihahandang isampa ng Odiongan MPS sa Provincial Prosecutor’s Office laban sa suspek. (RSun Staff)

 

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment