SAN FERNANDO, Romblon – Arestado ang tatlong lalaki matapos makuhaan ng nilagareng mga kahoy dakong 1:36 ng madaling araw ng Mayo 24, 2024 sa Sitio Kabitangahan, Barangay Taclobo, San Fernando, Romblon.
Ang mga suspek ay nakilala na sina Patrick M. Riano, residente ng Sitio Tambayla, Brgy. Taclobo, San Fernando, Marlon R. Ruba, residente ng Sitio Layag, Brgy. Taclobo, San Fernando at Rudy Rogero, residente ng Sitio Olango, Barangay Espana, San Fernando, Romblon.
Sa ulat ng San Fernando Municipal Police Station, isang pinagsanib na anti-illegal logging operation ang ikinasa sa pangunguna ng DENR na pinamunuan ni Forest Ranger Ludwin Ruado kasama ang mga tauhan ng Romblon PMFC, 3rd Platoon at San Fernando MPS sa Sitio Cabitangajan, Barangay Taclobo, San Fernando, Romblon.
Sa nasabing operation ay kanilang nakita na hinihila ng mga suspek ang mga pinutol na kahoy papunta sa tabi ng ilog. Agad na sinita ng tauhan ng DENR ang mga suspek at hinanapan ng kaukulang permiso tungkol sa naturang mga kahoy ngunit walang maipakita ang mga suspek.
Inaresto ang mga suspek at kinumpiska ang mga nilagareng tabla na Red Lawaan na may iba’t-ibang lapad at haba na tinatayang nagkakahalaga ng P51,560.00.
Ang narekober na mga kahoy, kasama ang mga suspek ay dinala at isinailalim sa kustodiya ng DENR Sub Station sa Barangay Tampayan, Magdiwang, Romblon para sa kaukulang disposisyon.
Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa PD 705 o Forestry Reform Code of the Philippines. (RSun Staff)






Add Comment