BANTON, Romblon – Wala nang buhay ng matagpuan ang katawan ng lalaking estudyante na pinaniniwalaang nalunod habang nangingisda dakong 8:20 ng umaga ng Mayo 23 sa karagatan na sakop ng Barangay Togong, Banton, Romblon.
Ang biktima ay kinilala ng Banton Municipal Police Station na si Vandolf Fabula Faderanga, 23 anyos, binata, 3rd year student ng Romblon State University at residente ng nasabing barangay.
Sa ulat ng Banton MPS, noong 8:00 ng gabi ng Mayo 22 ang biktima kasama ang mga kaibigan nito na sina Andrew, Julius at Patrick ay lumusong ng dagat na sakop ng Barangay Togong, Banton, Romblon para mangisda gamit ang pangpana ng isda.
Dakong 9:30 ng gabi ay nagdesisyon ang tatlo nitong kaibigan na umuwi na at naiwan ang biktima na mag-isang nangingisda.
Pagsapit ng 10:00 ng gabi ay pinuntahan ng kanyang mga kaibigan ang biktima sa kanilang bahay at inusisa kung nakauwi na ito.
Sinagot naman ng tatay ng biktima na hindi pa nakauwi ang kanyang anak. At nagdesisyon ito na humingi ng tulong kay Barangay Chairman Necito Faderanga ng Barangay Togong, Banton, Romblon.
Agad namang inireport ni Kapitan Faderanga ang nasabing insidente sa Philippine Coast Guard-Banton at sa Banton MPS, na agarang nagsagawa ng search and retrieval operation sa karagatan ng sakop ng Barangay Togong.
Dakong 8:20 ng umaga kinabukasan ay natagpuan ang bangkay ng biktima sa karagatan ng nasabing barangay at dinala sa Banton Rural Health Unit para sa post mortem na pagsusuri.
Kumbinsido naman ang pamilya ng biktima na walang “foul play” na naganap sa estudyante at naniniwla sila na nalunod ang biktima. Hindi na rin isinailalim sa awtopsiya ang labi ng biktima. (TMM)






Add Comment