Lalaking nakaalitan pinana ng kabarangay sa Magdiwang, Romblon

MAGDIWANG, Romblon – Nagtamo ng dalawang tama ng pana sa tadyang ang isang lalaki na nakipagtalo sa kanyang kababayan nitong hapon ng Miyerkules, Mayo 22 sa Sitio Tondo, Barangay Agutay, Magdiwang, Romblon.

Ang biktima ay nakilala na si Reymark Riño Rio, 29, magsasaka habang ang suspek ay kinilala na si Jay-ar Espinosa Batersal, 38 taon gulang, at kapwa residente ng nasabing lugar.

Base sa imbestigasyon ng Magdiwang Municipal Police Station, ang biktima na si Rio na nasa ilalim ng espiritu ng alak ay nakasalubong ang suspek na si Batersal na nakainom rin umano ng alak na may dalang gamit na pangpana ng isda at swimming goggle at papunta ng dagat para mangisda.

Dahil sa may dati nang alitan, ay nagkaroon umano ng sagutan ang biktima at ang suspek. Sa sobrang galit umano ng suspek ay dalawang beses nitong pinana ang biktima gamit ang pangpana ng isda.

Tinamaan ang biktima sa tadyang habang tumakas naman ang suspek.

Agad namang isinugod sa Magdiwang Rural Health Unit ang biktima at kalaunan ay inilipat sa Sibuyan District Hospital sa bayan ng Cajidiocan, Romblon.

Sa ginawang follow-up operation ng Magdiwang MPS, nahuli ang suspek sa kanyang bahay at narekober rin sa kanyang posesyon ang ginamit na “speargun” ng suspek.

Nahaharap sa kasong Frustrated Homicide ang suspek na inihahandang isampa ng Magdiwang MPS sa Piskalya laban sa nasabing suspek. (TMM)

 

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment