Lalaking nakatulog sa balkonahe ng ibang bahay nataga

FERROL, Romblon – Isang lalaki na nakatulog sa balkonahe ng bahay ng kabarangay ang nataga noong 9:00 ng gabi ng Abril 15, sa Sitio Bariri, Barangay Hinag-uman, Ferrol, Romblon.

Ang biktima ay kinilala ng Ferrol Municipal Police Station (FMPS) na si Wayne Macaya Aparicio, 37 taong gulang, may-asawa, habang ang itinuturong suspek ay si Limuel Eugenio Agoilo, 66 anyos, may-asawa at kapwa residente ng nasabing barangay.

Sa ulat ng Ferrol MPS, nakatulog umano ang biktima sa balkonahe ng bahay ng suspek dahil sa kalasingan at noong napansin ito ng suspek ay dali-dali umano itong kumuha ng gulok sa loob ng bahay at agad na bumalik sa balkonahe kung saan natutulog ang biktima at walang umanong dahilan na tinaga ng suspek ang biktima sa ulo at sa kaliwang kamay.

Masuwerte naman na hindi napuruhan ang biktima at mabilis itong nakaeskapo at humingi ng tulong kay Barangay Kagawad Fred Tubi ng nasabing barangay na kaagad na tumawag sa Ferrol MPS at ipinaalam ang naturang pangyayari.

Inaresto ng rumesponding tauhan ng Ferrol MPS ang suspek at narekober sa posisyon nito ang ginamit na armas, habang ang biktima ay dinala sa Rural Health Unit ng Ferrol at saka diniretso sa Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan, Romblon.

Kasong Frustrated Homicide ang inihahandang isampa ng Ferrol MPS laban sa suspek sa pamamagitan ng Inquest Proceedings sa Tanggapan ng Provincial Prosecutor’s. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment