Komprontasyon ng dalawang lalaki nauwi sa saksakan sa Odiongan, Romblon

ODIONGAN, Romblon – Nagtamo ng sugat sa likod at taenga ang isang lalaki matapos itong masaksak ng katungali gamit ang sariling patalim na naagaw sa kanya noong 11:30 ng gabi ng Abril 17, sa Barangay Gabawan, Odiongan, Romblon.

Ang biktima ay nakilala na si Resty Sulabo, 28 taong gulang, may-asawa, construction worker at residente ng Sitio Mainit, Barangay Pato-o, Odiongan, Romblon, habang ang suspek ay kinilala na si Jaypee Faminialagao Villacrusis, 31 anyos, may-asawa, construction worker at residente ng Sitio Bulwang, Barangay Gabawan, Odiongan, Romblon.

Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), ang biktima at ang kanyang mga kasamahan ay nag-iinuman sa bahay na asawa ng suspek. Narinig umano ng suspek na pinag-uusapan siya habang nag-iinuman ang suspek at ang kanyang mga barkada.

Hinintay umano ng suspek ang biktima sa labas ng kanilang bahay pagkatapos ng inuman at kinompronta ito at nagsabi na, “Anong problema Pre?”.

Pagkatapos ng pagtatanong ng suspek sa biktima ay bumunot umano ng patalim ang biktima at sinaksak ang suspek na tinamaan sa kaliwang kamay.

Dahil dito, pwersahang umanong inagaw ng suspek ang patalim sa biktima at nang makuha ay sinaksak ang biktima na tinamaan sa bahaging likuran ng katawan at sa kaliwang bahagi ng taenga.

Pagkatapos na maawat ang dalawa ay agad isinugod sa Romblon Provincial Hospital ang biktima.

Samantala, kusa namang sumuko ang suspek kay Barangay Captain Henry Fabello ng Barangay Gabawan, Odiongan, Romblon na siyang nagdala sa Odiongan MPS.

Nahaharap sa kasong Frustrated Homicide ang suspek na inihahandang isampa ng Odiongan MPS sa Provincial Prosecutor’s Office laban sa suspek. (RSun Staff)

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment