ROMBLON, Romblon – Wala nang buhay ng matagpuan sa loob ng banyo ang isang lalaki na kawani ng opisina ng gobernador dakong 6:30 ng umaga ng Abril 15, sa Barangay III, Poblacion, Romblon, Romblon.
Kinilala ng Romblon Municipal Police Station ang biktima na si Luis “Toing” Lakandula Morante, 54 anyos, walang asawa, kaswal na empleyado sa tanggapan ng gobernador at residente ng Barangay III, Poblacion, Romblon, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Romblon MPS, pumunta umano sa bahay ng biktima ang kapatid nito na si Pedro Morante na may dalang pagkain. Ilang ulit umano itong tumawag ngunit walang sumasagot. Dahil dito ay binuksan nito ang harapang pinto ng bahay at agad na hinanap ang kanyang kapatid hanggang sa natagpuan niya ito sa loob ng banyo ng nasabing bahay at walang malay.
Dali-dali itong humingi ng tulong at kanilang isinakay sa ambulansiya ang biktima at isinugod sa Romblon District Hospital ngunit idineklara itong “dead on arrival” dakong 9:40 ng umaga ng sumuri na doktor.
Ayon sa doktor, inatake umano sa puso ang biktima.
Wala namang nakitang palatandaan na merong “foul play” na naganap sa nasabing insidente kung saan ay hindi na isinailalim ng pamilya ang pag awtopsiya sa bangkay ng biktima. (AMM)






Add Comment