SANTA MARIA, Romblon – Sugatan sa ulo na dinala sa ospital ang isang menor de edad na nahagip ng motorsiklong walang ilaw habang naglalakad sa tabi ng kalsada dakong 3:30 ng madaling araw ng Abril 12, sa National Road ng Barangay Concepcion Norte, Santa Maria, Romblon.
Ayon sa Santa Maria Municipal Police Station, ang biktimang menor de edad ay naglalakad umano sa tabi ng kalsada habang ang suspek na kinilala na si Jerome Mangaya Ramal, 21 anyos, binata, mangingisda, walang lisensya sa pagmamaneho at residente ng Barangay Concepcion Norte, Santa Maria, Romblon ay binabaybay ang direksyon papunta sa bayan ng San Agustin, Romblon mula sa bayan ng Santa Maria, Romblon sakay ng kanyang motorsiklong Honda CDI 150 na walang nakakabit na plaka.
Pagdating sa lugar ng insidente ay aksidente umanong nasagi ng motorsiklo ng suspek ang biktima na naglalakad sa tabi ng kalsada sa oras na iyon.
Dahil sa pangyayari ay parehong tumilapon ang dalawa sa kongkretong kalsada. Nagtamo ng sugat sa ulo ang biktima habang kunting gasgas at galos naman ang sa suspek.
Agad naman isinugod sa Don Modesto Formilleza Sr., Memorial Hospital sa bayan ng Looc, Romblon ang biktima sakay ng Patrol Car ng rumesponding tauhan ng Santa Maria MPS.
Napag-alaman na walang ilaw ang motorsiklo ng suspek at gamit lamang nito ay ilaw mula sa kanyang cellphone.
Ang motorsiklo ng suspek na sangkot sa aksidente na nagtamo ng hindi batid na halaga ng pagkasira ay dinala sa Santa Maria MPS para sa kaukulang disposisyon. (TMM)






Add Comment