ODIONGAN, Romblon – Parehong isinugod sa ospital ang dalawang biktima na tinaga ng kanilang kainuman dakong 8:30 ng gabi ng Abril 14 sa Barangay Progreso Weste, Odiongan, Romblon.
Ang dalawang biktima ay nakilala na si alyas “Boy”, isang menor de edad at si Jimson Fesarillo Dalisay, 19 taong gulang, binata, at residente ng Barangay Malilico, Odiongan, Romblon, habang ang suspek ay napag-alaman na si Michael Fernando, nasa hustong gulang, may kinakasama, walang trabaho at nakatira sa Barangay Progreso Weste, Odiongan, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, napag-alaman na ang dalawang biktima kasama ang suspek at mga kaibigan nito ay nagkainuman sa bahay ng ina ng suspek sa Garing Falls.
Pagkatapos na makaubos ng ilang boteng alak na gin ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo kung saan ay sinuntok umano ni Erick Ferranco ang biktimang menor de edad. Sinubukan umanong awatin ni Jimson Dalisay ang dalawa ngunit ang suspek na si Fernando ay nakakuha ng gulok at tinaga ang biktimang si Dalisay na tinamaan sa kamay. Nilapitan umano ng menor de edad ang suspek ngunit pati siya ay tinaga rin sa ulo ng suspek.
Pagkatapos ng pangyayari ay tumakas ang suspek sa hindi batid na direksyon dala ang ginamit na armas.
Samantala, ang dalawa biktima ay dinala sa Romblon Provincial Hospital ng ilan nilang kaibigan na naroon sa nasabing lugar ng insidente.
Isinuko naman ang suspek ng kanyang kapatid sa Odiongan MPS. (TMM)






Add Comment