ROMBLON, Romblon – Nasunog ang halos kalahati ng motorsiklo matapos itong sunugin ng kagalit ng may-ari dakong hapon ng Abril 10 sa Barangay Li-o, Romblon, Romblon.
Ang may-ari ng motorsiklo ay nakilala na si Larry Miron Rivas, 46 taong gulang, walang asawa, laborer habang ang suspek ay napag-alaman na si Julius Muros Royo, 36 anyos, binata, walang trabaho at parehong residente ng nasabing barangay.
Ayon sa ulat ng Romblon Municipal Police Station (RMPS), nilagyan umano ng suspek ng mga tuyong dahon ng saging ang upuan ng motorsiklong Honda RS na pag-aari ng biktima na si Rivas na nakaparada malapit sa sagingan saka ito sinindihan hanggang sa magliyab.
Napansin naman ng dalawang pamangkin ng biktima na sina Randy at Ronalyn ang nasusunog na motorsiklo, kaya’t dali-dali silang kumuha timba ng tubig at binuhusan ang nagliliyab na sasakyan.
Boluntaryo namang sumuko ang suspek kay Barangay Captain Earl Macabata ng Barangay Li-o, Romblon, Romblon na siyang nagdala sa suspek sa Romblon MPS kung saan isinailalim ito sa kustodiya ng nasabing himpilan.
Sa imbestigasyon ng Romblon MPS, napag-alaman na may dati na umanong alitan ang biktima at ang suspek.
Kasong Arson ang inihahandang isampa ng Romblon MPS sa Provincial Prosecutor’s Office sa Romblon, Romblon laban sa suspek. (RSun Staff)






Add Comment