CORCUERA, Romblon – Suspek ang isang konsehal sa narekober ng ilegal na droga sa loob ng bagahe na ipinadala sa pumpboat mula sa siyudad ng Batangas nitong 1:00 ng hapon ng Abril 6 sa pantalan ng Corcuera, Romblon.
Kinilala ang mga sangkot na suspek na sina Kevin Julius Fermo, residente ng #0062 Villa Precy, Kumintang Ilaya, Batangas City, Batangas, Dindo Fajarito Falcatan, residente ng Batangas City, Batangas at Ricky Fronda Fermo, Konsehal, at residente ng Barangay San Roque, Corcuera, Romblon, pawang mga at-large.
Sa ulat ng Corcuera Municipal Police Station, nakatanggap umano sila ng impormasyon na mayroong package na may lamang ilegal na droga ang ikinarga umano sa pumpboat na MVCA Famas na darating sa Corcuera mula Batangas.
Agad namang nakipagkoordinasyon ang Corcuera MPS sa opisina ng Philippine Coastguard (PCG) Sub-Station ng Corcuera at sa PDEA 4B para sa gagawing operasyon sa pantalan ng Corcuera.
Dakong 1:00 ng hapon ng Abril 6, sa pamamagitan ng asong K-9 ng PCG ay isinagawa ang operasyon hanggang sa natunton at kinumpiska ang “package” na naka pangalan sa suspek.
Ayon sa Corcuera MPS, sinabi umano ng purser ng bangka na ang nasabing pakete ay ikinarga sa Batangas Pier, sa lungsod ng Batangas ng isang nagngangalang Dindo F. Falcatan na kukunin sa bayan ng Corcuera.
Ang pagbubukas sa package ay sinaksihan ng mga tauhan ng Corcuera MPS, mga tauhan ng PCG-Sub-Station Corcuera, SB Randy Mazo, Barangay Captain Edgar Fallurin, Barangay Kagawad Rushelle M. Fajarito at Barangay Kagawad Ace Lorenz M. Fajarillo.
Nakuha sa loob ng package ang 2 plastic sachet na may laman na pinaghihinalaang shabu na tinatayang nagkahahalaga ng P7,500.00 bawat isa.
Kasong paglabag sa Section 4 & 5 Article II of RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang inihahandang isampa ng Corcuera MPS sa Provincial Prosecutor’s Office laban sa mga suspek. (TMM)






Add Comment