Babaeng senior citizen nabundol ng motorsiklo habang tumatawid ng kalsada sa Looc, Romblon

LOOC, Romblon – Kapwa sugatan ang biktima at suspek na dinala sa ospital matapos ang aksidente ng pagkabundol sa biktimang senior citizen ng binatang suspek nitong nakalipas na araw sa National Road ng Barangay Manhac, Looc, Romblon.

Ang biktima ang napag-alaman na si Rosalita Fradejas Venancio, 77 anyos, may-asawa, at residente ng naturang barangay, habang ang itinuturong suspek ay si Arjay Gelindon Merano, 19 taong gulang, binata, estudyante at nakatira sa Sitio Malbog, Barangay Manhac, Looc, Romblon.

Ayon sa Looc Municipal Police Station (LMPS), tumawid umano ang biktima sa kalsada para samahan ang kanyang anak sa kabilang kalsada kung saan ay tiyempo namang paparating ang matulin na patakbo ng suspek sa minamanehong motorsiklo na sumapol sa biktima.

Bumagsak ang biktima sa kongretong kalsada ganun din ang suspek na parehong nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Parehong isinugod ang dalawa sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa Barangay Punta, Looc, Romblon.

Inihahanda naman ng Looc MPS na isampa sa piskalya ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injury laban sa suspek. (TMM)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment